(Maguindanao hinati na) 2 BAGONG PROVINCIAL POLICE OFFICE ITATAYO

MINDANAO-MAKARAAN ang matagumpay na plebisito sa Maguindanao na naghahati na sa lalawigan,inatasan na ni Philippine National Police (PNP) Chief, General Rodolfo Azurin Jr. si PNP Directorate for Plans (DPL) Director Brig.Gen. Bernard Banac na bumuo ng dalawang bagong Police Provincial Office para sa Maguindanao.

Sa nasabing plebisito, naghati na ang dating Maguindanao province sa Maguindanao Del Norte at Maguindanao Del Sur.

Sa pulong balitaan sa Camp Crame, sinabi ni Azurin na hahatiin muna ang puwersa ng kasalukuyang Maguindanao Provincial Police Office ng 50-50 at saka pupunuan ng karagdagang mga tauhan.

Aniya, maaaring pumili ang kasalukuyang Maguindanao Provincial Director kung saan siya sa dalawang bagong lalawigan manunungkulan at magtatalaga naman ng bagong Provincial Director sa kabilang lalawigan.

Sinabi ni Azurin na ang paglikha ng dalawang bagong lalawigan sa pamamagitan ng mapayapang proseso ay magandang development na senyales ng pag-unlad ng lugar. EUNICE CELARIO