MAGUINDANAO- SINIBAK sa puwesto si Acting Maguindanao Provincial Director Police Col. Christopher Wilan Panapan.
Base ito sa memorandum ni Brig. Robert T. Rodriguez, Acting Director ng Directorate for Personnel and Records Management (DPRM) kay Police Regional Office Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR) Acting Regional Director Brig. Gen. John Gano Guyguyon na may petsang Agosto 30.
Itinalaga naman bilang bagong Acting Maguindanao Provincial Director si Col. Roel Rullan Sermese.
Tumangging magbigay ng komento si PNP Public Information Office Chief Brig. General Roderick Augustus Alba kung ang hakbang ay may kinalaman sa nangyaring pananambang nitong Martes sa Ampatuan, Maguindanao na ikinasawi ng dalawang pulis at ikinasugat ng tatlong iba pa.
Samantala, pinangungunahan ng Provincial Mobile Force Company ng Maguindanao Police Provincial Office ang pagtugis sa mga nasa likod ng naturang insidente.
Inalerto na rin ni PNP Chief Police Gen. Rodolfo Azurin Jr. ang Police Regional Mobile Forces ng Bangsamoro Autonomous Region at Police Regional Office 12 para i-intercept ang armadong grupo na pinamumunuan ng isang Abdulnasser Saptula Guianid na pinaniniwalaang responsable sa naturang insidente. EUNICE CELARIO