MAGULANG NG MGA BATANG GALA PANANAGUTIN

BUMUO ng isang monitoring team ang pamahalaang lokal ng Pasay na magmamatyag sa mga kabataan na pagala-gala sa kalsada habang ang buong National Capital Region (NCR) ay sumasailalim sa enhanced community quarantine (ECQ).

Ang monitoring team ay kinabibilangan ng lokal na pulisya sa superbisyon ni Pasay police chief P/Col. Cesar Paday-os, mga kinatawan ng City Environment and Natural Resources Office (CENRO), Public Order and Safety Unit (POSU) at mga opisyales ng barangay.

Ang binuong monitoring team ay bunsod na nakaaalarmang ulat sa biglang pagtaas ng bilang ng kaso ng COVID-19 sa mga kabataan na nasa edad 17 pababa.

Sinabi ni Paday-os, dinagdagan nito ang pagtatalaga ng kanyang mga tauhan na nagpapatrol sa kalsada hindi lang sa oras ng curfew hours kundi 24-oras upang masiguro na walang bata na makikitang pagala-gala sa kalsada sa buong lungsod.

Ang mga mahuhuling mga bata sa kalsada ay dadalhin sa barangay hall kung saan ipapatawag ang kanilang mga magulang para magpaliwanag kung bakit nasa labas ng bahay ang kanilang mga anak.

Kapag napatunayang nagpabaya ang magulang ng isang batang lumabas ng kanilang bahay, sinabi ni Paday-os na iisyuhan ang magulang ng citation ticket dahil sa paglabag ng Inter-Agency Task Force (IATF) guidelines.

Dagdag pa ni Paday-os na ang mga mahuhuli namang batang hamog ay kanilang iti-turnover sa Pasay City Youth Center.

Matatandaan na sa report ng City Epidemiology and Surveillance Unit (CESU) noong nakaraang Agosto 9 ay nakapagtala ang lungsod ng 22 kaso ng COVID-19 sa mga kabataan na ang edad ay mas mababa pa sa 17-taong gulang.

Ang mga batang nagpositibo sa COVID-19 ay kasalukuyang nasa isolation facilities ng lungsod para i-monitor ang kanilang mga kondisyon habang ang mga ito ay nagpapagaling. MARIVIC FERNANDEZ

5 thoughts on “MAGULANG NG MGA BATANG GALA PANANAGUTIN”

Comments are closed.