MAGULANG NG MGA BATANG NAMATAY SA DENGVAXIA, NANAWAGAN NG HUSTISYA

SAMA-SAMANG  umaapela kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla ang mga magulang ng namatay na mga bata matapos na mainiksiyunan ng Dengvaxia.

Ang panawagan ng mga magulang ay kasunod ng lumabas sa mga pahayagan na naayos na diumano ng Department of Justice at Public Attorney’s Office (PAO) ang usapin sa pagkakaroon ng conflict of interest sa mga kasong may kinalaman sa Dengvaxia vaccine, na kanila namang mariing pinabulaanan.

Tinukoy ng grupo ang isang DOJ Undersecretary na dating nagsilbing abogado ni ex-DOH Secretary at ngayoy Cong. Janette L. Garin, isa sa mga respondent sa Dengvaxia cases.

Hiling nila na magbitiw ang panel of state prosecutors at ang undersecretary sa paghawak ng mga kaso ng mga batang namatay dahil sa Dengvaxia.

Umaapela rin ang mga magulang nl na ipaubaya na lamang sa Quezon City Prosecutor’s Office ang paglilitis ng mga kasong kriminal na isinampa sa QC Regional Trial Court (RTC) kasunod ang panawagan din kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na makialam na sa naturang kaso.

“Mahirap po bang ibigay sa amin ang kahilingang ito? Ang aming pagtitiwala na makakamit namin ang hustisya para sa aming mga anak ay unti-unti nang napaparam,” pahayag ng magulang na si Jonathan dela Cruz.
BENEDICT ABAYGAR, JR.