MAGULANG NI VELOSO NAGPASAKLOLO SA SC

Cesar at Celia Veloso

NAGPASAKLOLO na sa Supreme Court (SC) ang magulang ng Pinay  overseas worker na nasa death row  na si Mary Jane Veloso, na payagan ang kanilang anak na tumestigo laban sa kanyang mga recruiter habang nasa bilangguan.

Batay sa petisyon, hiniling din nina Cesar at Celia Veloso sa SC na ipa­walang bisa ang desisyon ng Court of Appeals’ (CA) na humarang sa naging desisyon din ng  Nueva Ecija RTC na pumayag na makuhanan ng deposition si Mary Jane.

Nakasaad sa petisyon na walang legal na basehan ang CA para paboran ang petisyon ng mga umano ay illegal recruiter ni Mary Jane na sina Cristina Sergio at Julius Lacanilao.

Nagkaroon aniya ng grave abuse of discretion ang CA nang harangin ang testimonya ni Mary Jane sa pamamagitan ng desposition.

Si Mary Jane  ay nahuli  sa Yogyakarta airport  bitbit  ang 2.6 kilo ng  heroin sa kanyang bagahe  noong  2010. Siya ay inimbestigahan at nahatulan   ng Indonesian courts sa drug trafficking at kalaunan ay hinatulan ng kamatayan sa pamamagitan ng firing squad.

Magugunita na nahaharap sina Sergio at Lacanilao sa kasong human trafficking, illegal recruitment at estafa sa Sto. Domingo, Nueva Ecija Regional Trial Court Branch 88.  TERESA CARLOS

Comments are closed.