MAHABA ANG HOLIDAY SEASON KAYA HINAY-HINAY SA PAGGASTOS

DAHIL buwan na ngayon ng Disyembre, malamang ay marami nang nakatanggap ng 13th month pay at bonus.

Sa mga maagang nakakuha, malabong buo pa ito o baka ubos na.

Kahit kasi umiiral pa rin ang pandemya, hindi maiwasang mamili ng mga panregalo ng ilang mga kababayan natin para sa Pasko.

Tiyak na may mga nakatatanggap na rin ng maagang Pamasko.

Sa mga may natira pang bonus o pera, aba’y dapat isiping maigi kung saan o paano ito gagastusin.

Huwag ubusin ang bonus sa pagbili ng Christmas gifts sa mga inaanak, kamag-anak, katrabaho o kaibigan.

Planuhing maigi kung saan ilalapat ang 13th month pay o bonus.

Huwag kalimutan ang savings, investments at debt payments.

Paglaanan ito at huwag isantabi ang mga obligasyon na ito.

Importante, siyempre, na may ipon ka para may madudukot sa bulsa sa oras ng sakuna o emergency.

Para sa iba, dahil maliit lang naman ang bonus, sa halip na ideposito sa bangko ay inilalagay nila ito sa life insurance.

Paano naman kasi, barya lang kung tutuusin ang tubo sa bangko.

Nariyan din ang iba’t ibang uri ng investments tulad ng mutual funds, investment trust funds, real estate at sari-sari o online store.

Sa bandang huli, ikaw pa rin naman ang magpapasiya.

Nasa diskarte mo kung ano ang angkop mong paglalapatan ng iyong pera na sapat sa kung ano o magkano ang hawak mo ngayon.

Kung ang ibang ‘wais’ naman ang tatanungin, ginagawa nila ang pag-iisip ng budget para sa holiday spending sa unang bahagi ng bawat taon.

Wala naman daw kasing masama sa paggastos tuwing panahon ng holiday pero dapat itong pagplanuhang maigi.

Sabi nga, dapat iakma ito sa actual income at expected income kada taon.

Gumagawa rin ang ilan ng holiday spending list na nabubuo sa pamamagitan ng paglalagay ng detalye sa bawat pagkakagastusan at halaga ng bawat serbisyo o produktong bibilhin.

Maganda raw kung ang holiday spending ay gawing strategic at organisado.

Kahit nga ang mayayaman ay ginagawa rin ito.

Sa unang bahagi ng taon, naghahanap ng best deals ang iba na may kinalaman sa mga produkto, halaga, lugar at promo kung saan maaaring mabuo o mahanap ang tamang presyo at kalidad.

Siyempre, una pa rin sa lahat ang pagre-research.

Pag-isipang maigi ang mga bibilhin at kung akma pa rin ba ito sa panahon o trend.

Patok pa rin ang do-it-yourself gifts na mas mura at ibinibigay ito na may personal touch.

Para naman sa financial consultant na si Rael del Mundo, unahin muna ang kinabukasan kaysa kasalukuyan.

Hindi nga naman daw alam nating lahat ang itinakda kaya kailangang laging handa.

Mahalaga raw na insured ang isang tao.

Kung may bonus naman o 13th month pay, maglaan ng bahagi nito sa pagbabayad ng utang gaya ng credit cards, personal loans, monthly amortizations, at pagpapa-repair ng mga sira sa inyong bahay, kung mayroon man.

Laging mataas ang interest rate ng utang kaya huwag itong kaligtaan.

Habang naaantala ka sa pagbabayad, mas lumalaki lalo ang bayarin.

Kung may travel goals ka naman, maglaan din ng porsiyento ng iyong bonus para rito at huwag pagdamutan ang sarili.

Mas masarap magtrabaho at kumita ng pera kung may pinag-iipunan kang bakasyon kasama ang pamilya.

Kung may extra money pa, puwede ring maglaan ng oras sa pagsi-share ng blessings.

Napakasarap sa pakiramdam na may ibang taong nakinabang sa biyayang ipinagkaloob sa iyo ng Maykapal.

Subalit tandaan na obligasyon mo pa ring maging responsable sa paggamit o paggasta sa perang mayroon ka.

Aba’y hinay-hinay rin sa paggastos dahil medyo mahaba ang holiday season.

‘Ika nga, be generous but spend wisely.