GAME 2 ngayon ng best-of-7 PBA Governors’ Cup Finals sa pagitan ng Barangay Ginebra at ng Meralco. Nakauna ang Gin Kings noong Martes, 91-87. Si Japeth Aguilar ang napiling ‘Best Player of the Game’.
Dahil na-block niya si Meralco import Allen Durham kaya bumalik ang momentum sa Ginebra, ilang minuto na lang ang nalalabi sa last quarter. Sa totoo lang, ilang beses lang lumamang ang kampo ng Ginebra. Sa pagkapanalo ng Gin Kings ay maraming umuwing may ngiti sa labi.
Napansin namin na sa unang tatlong quarters ay easy lang ang Meralco kaya maganda ang daloy ng laro ng mga player ni coach Norman Black. Ngunit pagdating sa huling quarter ay nanggigil ang mga player ng team. Si Allein Maliksi ay ilang beses na nag-attempt ng 3 points at walang pumasok, pati na ang mga free throw nito ay may balong awa lang. Si Baser Amer na inaasahan ng team ay hindi napakinabangan. Mukhang nasobrahan ang excitement nito sa pagharap sa Ginebra. Sabi nga ng Meralco, Game 1 pa lang, mahaba pa ang serye at puwede pang bumalik ang tropa ni coach Black.
Nakausap namin si Magnolia Hotshots PBA Governor Rene Pardo hinggil sa napapabalitang babalik si James Yap sa koponan. Ayon kay Mr. Pardo, walang katotohanan ang balita. Hindi sa ayaw na nila kay Yap, kumpleto na ang kanilang line-up at nagbi-build sila ngayon mga batang player para lumakas ang koponan.
Pinangunahan ni dating Barangay Ginebra San Miguel playing coach at Philippine Basketball Association (PBA) legend Robert Jaworski, Sr., kasama si Ginebra San Miguel Inc. (GSMI) marketing manager Ronald Molina at ang 30 employee-volunteers ang Ginebra Shoebox of Malasakit gift-giving activity sa Better World community sa Tondo, Manila kamakailan. May 300 estudyante at miyembro ng food bank at learning facility na binuksan ng San Miguel Corporation (SMC) ang tumanggap ng mga kahon na naglalaman ng school supplies at iba pang gift items. Noong mga nakaraang taon, ang mga pamilya sa Tenement Taguig at Gawad Kalinga San Rose community sa Pasig City ang tumanggap ng mga regalo at Barangay Ginebra San Miguel basketball jerseys.
Comments are closed.