GOOD day mga kapasada!
Ang amoy ng nakatatakam na puto bumbong, kutsinta, kusilba at bibingka ay nasisinghot na naman ng mga naninirahan dito sa Kalakhang Maynila, idagdag pa rito ang himig na naghahatid ng mensahe ng pagsilang ni Jesus Christ sa sabsaban.
Sa madaling salita, una, ang Todos Los Santos (All Saint Days) at ang pagsilang ng Dakilang Mesiyas sa Sabsaban (when Jesus Christ Was born in a Manger.)
Ang nabanggit na panahon ay hudyat na naman ng paglilimayon sa kani-kanilang mga lalawigang sinilangan. Ang kanilang pananabik na muling makarayama ang kani-kanilang mga kamag-anak ay kasing sidhi ng lamig ng simoy ng hanging taboy ng habagat na nanunuot sa kaliit-liitang himaymay ng ka-nilang masidhing pagnanasa na ma-enjoy ang mahaba-haba rin namang bakasyon.
Ngunit bago ang lahat, una, kinakailangan muna na handa tayo sa ating malayang paglalakbay o malayuang biyahe dala ang ating mga sasakyan.
Ika nga ng matatanda “laging nasa huli ang pagsisisi”. Kaya importanteng maging handa para maiwasan ang problema lalo na sa mahabaang pagbiyahe.
MAGKAROON NG ROAD TRIP INSPECTION
Ipinapayo ng mga expert mechanic na una, mas mainam kung pagkagastusan ang pagsasailalim sa inspection ang buong kondisyon ng sasakyan bago ito ilarga sa malayuan bilang bahagi na rin ng kahingian ng “Defensive Driving,” ang bibliya ng mga driver sa safe driving.
Ano-ano ang dapat isailalim sa basic inspection ng ating sasakyan bago tayo magbiyahe sa malalayong lalawigan sa darating na mahabang pagbabakasyon?
Kailangang first and foremost, isailalim sa basic inspection ang mga sumusunod para sa kaligtasan ng pamilya tulad ng:
1. brakes (preno)
2. pang-ilalim na components tulad ng:
a. bolt joint
b. tie rods
c. drive shafts
d. sway bar bushings
e. struts at shock absorbers.
Gayundin, huwag ding kalilimutan na tiyakin na may sapat na fluids, malakas ang baterya at iba pang component ng makina.
3. Tiyakin din na ang mga gulong ay ayon pa sa kahingian ng specification na nakatala sa manual lalo na sa malayuang pagbibiyahe.
Laging tatandaan na ang wastong pressure ng gulong ay isa sa mga pangunahing dapat na isaalang-alang para sa ligtas na paglalakbay.
Ayon pa sa payo ng expert mechanic, huwag kalilimutan ang pagdadala ng spare tires na may wastong air pressure. Ito ay isa sa mga bagay na ‘di dapat kalimutan sa mahabang paglalakbay.
4. Tiyakin din na may basic tools ang inyong truck, booster, pang-repair ng gulong (tire wrench, hand pressure pump) para sa ‘di inaasahang pagkakataon.
5. Magdala ng emergency na may lamang:
a. lente (flash light)
b. jumper cables
c. booster
d. gloves
e. first aid kit.
6. Kapag nakaramdam ng pagod sa mahabang biyahe, ihinto ang sasakyan sa isang ligtas na pook tulad ng gasoline station at magpalipas ng pagod ng ilang minuto o kaya ay magpapalit sa kasamang marunong magmaneho.
7. Kung may kasamang mga bata, tiyakin na maraming dalang mapaglilibangan ang mga ito para maiwasan ang pagkainip sa mahabang biyahe.
8. Isa pang mahalagang dapat gawin ay ang pagdadala ng proper identification ng bawat pasahero upang may pagkakilanlan kung may maganap na pangyayaring ‘di inaasahan.
9. At para sa sweet memories ng paglalakbay na magsisilbing nostalgia pagkalipas ng maraming mga araw ay magsagawa muna kayo ng SELFIE sa inyong cellphone o kaya ay picture taking sa magagandang tanawin o pook na inyong daraanan.
Itala ang petsa at pook na kung saan kinunan ang mga larawan para ganap na hindi mawaglit sa alaala pagdating ng wastong panahong maging salamisim ito ng inyong mahabang bakasyon.
DOTr: 3-YEAR WINDOW NG JEEPNEY TULOY
Nanindigan ang Department of Transportation (DOTr) na kayang makamit sa loob ng tatlong taong transisyon ang jeepney modernization program ng pamahalaan.
Ang ganitong paninindigan ay sa kabila ng naunang pronouncement ni Senate Committee on Public Services chairwoman Grace Poe na marami pa umanong butas ang kailangang ayusin sa naturang program, at hindi dapat madaliin ang pagpapatupad nito.
Ayon naman kay DOTr Undersecretary Tim Orbos, hindi man madali, pero itutuloy pa rin ng kanilang tanggapan ang pangunguna sa modernisasyon ng mga lumang jeepney.
Inamin ni Orbos ang kahilingan ng mga kababayang nasa industriya ng transportasyon na dagdagan pa ang palugit sa modernisasyon, ngunit matindi nitong sinabi na hindi puwede.
Sinabi ni Orbos na lagi nating iniisip ‘yung mga operator at jeepney driver, samantalang nakalilimutan naman natin ang kapakanan ng mga mananakay kaya kailangan itong gawin.
Binanggit ni Orbos na naiintindihan naman ng DOT ang hinaing ng mga transport group, kaya naglatag sila ng panukalang 5678 financial arrangement o limang percent na downpayment, six percent na interest, seven years of payment at Php80,000 subsidy na sa kanilang pananaw ay maluwag naman sa mga driver at operator.
Magugunita na sa naging public hearing sa Senado, inihayag ng ilang samahan ng transport group na hindi naman sila tutol sa panukala, ngunit iginiit ni Alliance of Concerned Transport Organization (ACTO) President Efren de Luna na walang konsultasyong naganap sa pagitan nila at ng DOTr.
Ayon kay De Luna, ilang beses na silang humingi ng dialogue at pumupunta pa sila sa Clark (DOTr head office) dahil hindi naman nila maintindihan at napakahirap aniya na kausapin ang mga taga LTFRB.
Samantala, sinabi naman ni Secretary Arthur Tugade na “nakikita natin yung body languages. Ito ‘yung magpapatunay na mayroon tayong kanya-kanyang agenda. Today, I dialogue with you and I tell you nakinig ako.”
Nakatakdang simulan ng DOT ang first phase ng modernisasyon sa susunod na taon kung saan sasailalim ang mga jeepney sa Motor Vehicle Inspection System (MVIS) o pagtatanggal kay Sec. Tugade ng bulok na mga jeep.
Samantala, inihayag naman ni Sec. Tugade na papayagan namang pumasada muli ang mga papasa mula sa gagawing inspeksiyon at inaasahang unang ipatutupad ang programa sa General Santos City, Taguig at Baguio City.
PAGBUO NG JEEPNEY COOPERATIVE TINUTULAN NG FEJODAP
Sa kabilang dako naman, mahigpit na tinutulan ni Federation of Jeepeny Operators and Drivers Association of the Philippines (FEJOEAP), national president Zeny Maranan sa panukalang ipasailalim sa kooperatiba ang mga driver at operator upang bigyang-daan ang Public Utility Vehicle (PUV) Moderni-zation Program ng Department of Transportation.
Binigyang diin ni Maranan, suportado ng FEJODP ang programang modernization subalit hindi sila sang-ayon sa pagbubuo ng isang kooperatiba ng mga maliliit na driver at operator para lamang makautang sa bangko na magdudulot ng mabigat na pasanin sa kanila.
Ayon kay Maranan, ayaw nila ng cooperative dahil nangyayari po iyan sa kalakaran ng kooperatiba ngayon na may mga namumuno diyan na kapag hindi nakapagbayad sa kanila ‘yung operator ay idina-drop nila ‘yung unit at pinapalitan nila ng iba na kawawa po talaga kapag nakamiyembro ka sa kooperatiba” pahayag ni Maranan sa pakikipanayam ng radio Veritas.
Nabatid na inaprobahan na ng Department of Budget and Management (DBM) at ng Department of Finance (DOF) ang halagang Php 2.26 bilyong subsidy sa mga pampasaherong jeepney upang palitan ng electronic, solar at Euro-4 jeepney ang mga PUV na may labing taon pataas.
PRESYO NG PETROLYO TUMAAS PA SA WORLD MARKET
Sa kabila ng pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo sa pandaigdigang merkado, nanindigan naman ang mga opisyal ng gobyerno na hindi pa rin sususpendihin ang probisyong excise tax sa langis ng Tax Reform on Acceleration and Inclusion (TRAIN) law sa kabila ng pagtaas ng presyo ng krudo sa world market.
Iginiit ni Finance Asec. Tony Lambino na kapag hindi bumaba sa $80 per barrel sa loob ng tatlong magkakasunod na buwan ang presyo ng Dubai oil sa Mean of Platts Singapore, kung saan nag-aangkat ang Filipinas ay saka lamang nila irerekomenda ang suspensiyon nito, na siyang magiging epektibo naman sa itinakdang petsa ng increase, ayon sa source – Bombo Christian Yosoreson.
KAUNTING KAALAMAN – Batay sa itinatadhana ng train, madadagdagan pa ng Php2 ang kasalukuyang Php 2.50 excise tax sa langis, pagpasok ng Ernero 2019. Pero kung hindi bumaba sa $80 ang presyo ng binibiling krudo ng Filipinas sa pagitan nitong Oktubre hanggang Disyembre ay posibleng masuspinde ang probisyon.
LAGING TATANDAAN: Umiwas sa aksidente upang buhay ay bumuti.
HAPPY MOTORING!
Comments are closed.