SUMALUBONG ang napakahabang pila sa mga motorista sa ilang tanggapan ng Land Transportation Office (LTO) sa Metro Manila sa pagpasok ng “ber” months dahil umano sa nagka-aberyang information technology (IT) platform na Land Transportation Management System (LTMS).
Ayon sa nakalap na source ng Pilipino MIRROR, tatlong araw nang offline at nagkakaaberya ang LTMS na siyang dahilan ng pagkakaantala ng proseso sa naturang tanggapan.
Sa panayam ng Pilipino MIRROR sa nagpaparehistro ng sasakyang si Ginoong Caloy San Juan na mula pa sa Taguig City, noong Miyerkoles pa siya pabalik balik sa LTO Makati at pagdating kahapon ay offline pa rin ang system ng LTO.
Ganito rin ang reklamo ni Ms. Bing Rebulan ng Makati City inutusan lamang ng kanyang amo para sa registration ng sasakyan na kamakalawa pa rin naghihintay at pabalik balik ng madatnan ay dismayado sa bagal ng sistema.
Sinabi naman ni LTO Makati District Office chief Ms. Marinette Abarico, nananatili pa ring offline ang kanilang system.
“Pinaka worst itong nangyayari sa amin na offline, dati hindi ganito katagal,” saad ni Abarico.
Dahil dito, nagkapatong-patong ang backlog at naging mabagal ang proseso.
Nagtiis sa mahabang pila ang mga motoristang nagre-renew ng rehistro ng kanilang sasakyan.
Ang ilan sa kanila, ilang oras na ang hinintay ngunit hindi pa rin nakausad sa pila.
Naranasan ang sitwasyong ito sa mga tanggapan ng LTO partikular na sa Novaliches at Diliman sa Quezon City, Las Piñas, at Marikina District Offices.
Nauna nang in-extend ni LTO chief Asec. Teofilo Guadiz ang validity ng rehistro ng mga sasakyan na may plakang nagtatapos sa “7” dahil sa holiday noong August 29 at sa ilang technical issue.
Hindi ito ang unang beses na in-extend ng LTO ang rehistro ng mga sasakyan. Matatandaang noong isang buwan ay nagbigay rin ng palugit ang ahensiya dahil sa madalas na pagkakaantala ng LTMS.
Ang LTMS ay ginawa ng banyagang IT contractor na Dermalog na makailang beses nang sinita ng Commission on Audit (COA) dahil sa pagkakaantala ng proyekto at mga isyung teknikal na nakakaapekto sa operasyon ng LTO.
Ginagawa naman ng pamunuan ng LTO ang lahat upang masigurong mabawasan ang mga aberya at mapabuti ang kanilang serbisyo. BENEDICT ABAYGAR, JR.