Mahal ng PhilHealth ang puso n’yo!

“Balita ko may sagot ang ­PhilHealth para sa mga sakit sa puso. ­Paki-explain, please.”
– Marco
   Sibunag, Guimaras

Masaya kaming matanggap ang iyong katanungan, Marco! Sana okay ka d’yan. Saktong-sakto ang tanong mo dahil National Heart Month ngayong Pebrero. ‘Ika nga ng marami, “Isa lang ang puso natin, dapat alagaan mabuti.”

Kung benepisyong para sa puso, aba, ma­rami tayo n’yan, Marco. Simulan natin sa Co­ronary Artery Bypass Graft o CABG. Ito ‘yung ginagawang operasyon para gamutin ang coronary heart disease o iyong pagkipot at pagbara sa mga ugat sa puso dahilan para mabawasan ang pagdaloy ng dugo sa puso at ang supply ng oxygen.

Higit kalahating milyon o P550,000 ang sagot namin para sa operasyong ito sa ilalim ng Z Benefits. Sa kasalukuyan, pitong ospital sa buong bansa ang contracted namin para sa paketeng ito. Paalala lang, Marco, kailangang magpa-pre-authorization ang pasyente bago gawin ang CABG para magamit ang Z Benefit.

Ang pre-authorization ay gagawin ng ospital para malaman kung qualified ang pasyenteng makagamit ng Z Benefit. Matapos ito, ipapasa ng ospital sa PhilHealth ang resulta ng pre-authorization para aprubahan at bigyan ng go-signal ang ospital para gawin na ang operasyon.

Marco, alam mo rin bang pinataas na ng PhilHealth ang coverage para sa ischemic at hemorrhagic stroke? Mula sa dating P28,000 ay P76,000 na ang PhilHealth benefit para sa ischemic stroke. Samantalang P80,000 na ang sagot namin para sa hospitalization ng mga pasyenteng nagkaroon ng hemorrhagic stroke na dating P38,000.

Kasama sa mga nabanggit na halaga ang hospital charges tulad ng room and board, mga gamot na ibinigay sa pasyente noong ma-confine, at pati na rin professional fees ng duktor. Alam naming mahal ang gamutan sa mga kundisyong ito kaya naman itinaas na­min ang coverage para siguruhing kakayanin ng pasyente ang halaga ng pagpapagamot. Hindi ba nakakatuwa dahil patuloy ang paglawak ng mga benepisyong PhilHealth?

Hindi lang iyon, Marco. Sagot din namin ang maintenance para sa high blood o hypertension. Dahil sa PhilHealth Konsultasyong Sulit at Tama o Konsulta, nabibigyan ng lib­reng hypertensive drugs ang mga pasyente tulad ng losartan at amlodipine.

Bukod pa rito ang health risk assessment para mapangalagaan ang overall health ng lahat, at laboratory at diagnostic exams na makatutulong sa pag-alam ng mga warning signs ng hypertension.

Marco, madali lang magparehistro sa Konsulta! Sana makadalaw ka sa opisina ng PhilHealth para ma-assign ka sa isang Konsulta provider na malapit sa inyong lugar. Pwede rin mag-register online. Pumunta lang sa aming website, www.philhealth.gov.ph, at gumawa ng account o mag-login sa PhilHealth Member Portal. Dito mo makikita ang kumpletong listahan ng mga Konsulta providers!

Iba’t-iba ang klase ng mga kundisyon sa puso. Kaya sa mga kundisyong hindi nabanggit, maaari mong makita ang aming coverage sa mga heart ailments gamit ang aming ACR Search App sa Android phones o mula sa a­ming website. Napakadaling gamitin ng mga ito at sobrang convenient dahil online din!

Marco, sana naiparating namin sa ‘yo ang aming mga benepisyo para sa puso. Ipamalita mo na rin sa ating mga friend d’yan sa Guimaras! Thank you and have a great day!

 

24/7 PhilHealth Hotline at Mobile Numbers

Matatawagan niyo na kami kahit anong oras! Para sa inyong katanungan, suhestiyon, at komento, tumawag sa (02) 8662-2588. Bukas ang aming Action Center anumang oras at araw, pati weekend at holiday!

Dinagdagan pa namin ang mga linya ng aming komunikasyon. Matatawagan din kami sa mga numerong 0998-8572957, 0968-8654670, 0917-1275987, at 0917-1109812. Pwede niyo na ring ma-reach ang PhilHealth mula sa website! Pindutin lang ang Click-to-Call icon na makikita kapag nag-login sa www.philhealth.gov.ph.

 

BALITANG REHIYON

Ang Local Health Insurance Office (LHIO) ng Cagayan de Oro City (CDO) ay ­nagsagawa ng orientation tungkol sa membership at iba pang programa ng ­PhilHealth para sa mga Persons Deprived of Liberty (PDL) sa CDO sa pakikipagtulungan ng ­Bureau of Jail Management and Penology-Regional Office 10.