“Health is Wealth”. Iyan ang gustong makamit ng karamihan sa atin. Sino ba naman ang ayaw na maging malusog?
Ngunit sa rami ng naglalabasang iba’t ibang klase ng diet hindi na malaman kung alin ang epektibo at pasok sa budget. Nariyan pa’t nakadaragdag ang ‘di mapigilang pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Paano makakamit ang health is wealth kung ubos na ang wealth ‘di pa naa-achieve ang healthy body?
Lahat tayo ay paniguradong pamilyar sa salitang fasting. Madalas nating naririnig ito sa mga kapatid natin na kasapi ng ilang relihiyon tulad ng Islam, Christianity, Judaism, at Buddhism bilang paraan ng kanilang cleansing.
Ngunit lingid sa ating kaalaman na maraming magandang epekto ito sa ating kalusugan. Makabubuti ito sa pagbabawas ng timbang lalo na sa mga overweight at obese. Nakapagpapabuti ng kalusugan at nakatutulong din upang mapasimple ang pamumuhay ng isang indibiduwal.
INTERMITTENT FASTING, ANO NGA BA ITO?
Ito ay isang eating pattern kung saan ay umiikot ito sa fasting at pagkain. Dito ay hindi sinasabi kung ano ang dapat mong kainin kundi kung kailan mo ito dapat kainin.
Marami ang naniniwala na maya’t maya ay dapat tayong kumain upang maiwasan ang magutom ngunit mali ito. Kagaya natin, ang ating organs ay kailangan ding magpahinga.
Kapag hindi ka kumain, ang ginagawa ng ilang parte ng ating katawan ay nagsasaayos ng kanilang sarili or cellular repair process.
Nakatutulong ang fasting upang mas kaunting calories lamang ang iyong makakain habang pinatatatag ang iyong metabolism. Mabisa itong paraan para magpapayat at mawala ang belly fats.
Ang fasting ay sinasabing may mahalagang benepisyo sa utak. Pinoprotektahan nito ang utak sa iba’t ibang sakit gaya ng Alzhiemer’s Disease.
Nakatutulong din upang gawing mas malusog at simple ang iyong lifestyle. Sa fasting ay hindi na kailangan pa ng mahabang preparasyon para sa pagkain. Kaya naman sikat ang intermittent fasting para sa mga taong gustong mapadali ang lahat nang hindi naisasaalang-alang ang kalusugan.
HETO ANG TATLONG PINAKAPOPULAR NA INTERMITTENT FASTING METHODS:
16:8. Nangunguna sa listahan ay ang 16:8 method kung saan ay hindi mag-aalmusal ang indibiduwal at nililimitahan ang pagkain sa dalawang beses sa loob lamang ng 8 oras. Halimbawa ay kakain ka lamang sa pagitan ng 11:00am hanggang 7:00pm. At ang nalalabing oras hanggang sa susunod na araw ay ang iyong fasting, ito ay 16 na oras.
EAT-STOP-EAT. Ito ay 24 oras na fasting, isa o dalawang beses sa isang linggo. Halimbawa ay ang hindi pagkain ng hapunan sa isang araw hanggang sa susunod na hapunan sa sumunod na araw.
5:2. Sa paraang ito, kailangan mo lamang kumain ng pagkaing nagtataglay ng 500-600 calories sa loob ng dalawang magkasunod o maaari rin namang hindi magkasunod na araw sa isang linggo. Maaaring kainin ay itlog, isda, o nuts. Para sa limang natitirang araw ay ang pagkain ng normal sa iyong nakasanayan
ILANG KATANUNGAN UKOL SA INTERMITTENT FASTING
SINO ANG HINDI DAPAT SUMAILALIM SA FASTING? Ang mga taong, underweight, buntis, mga inang nagpapasuso at mga kabataang edad 18 pababa. Maaaring mag-fasting ang may diabetes mellitus-type 1 or type 2, mga may iniinom na gamot, may gout, at mataas ang uric acid kung may patnubay ng kanilang mga doktor.
MAAARI BANG MAG-EHERSISYO HABANG NASA ILALIM NG FASTING? Oo, mas mabuting ipagpatuloy ang iyong mga gawain lalo ang pag-eehersisyo. Hindi kailangan ng pagkain upang magbigay sa iyo ng enerhiya dahil ang iyong katawan na mismo ang tutunaw sa mga nakaimbak na taba at gagawing enerhiya na kakailanganin mo.
ANO ANG MGA POSIBLENG SIDE EFFECTS? Constipation o mahihirapan sa pagdumi. Dahil sa kaunti lamang ang kinakain, ibig sabihin kakaunti rin ang ilalabas. Hindi mo kailangan ng gamot para rito, ngunit kung lumala, maaaring uminom ng laxative o magpatingin muna sa doktor bago uminom ng kung ano.
PANANAKIT NG ULO. Sa simula lamang ito mararanasan, ngunit habang tumatagal ay masasanay na ang iyong katawan.
PAANO TITIGIL SA FASTING? Kung sa tingin mo ay gusto mo nang ihinto ang fasting dahil naabot mo na ang iyong target na timbang, gawin ito ng dahan-dahan. Slowly but surely. Mali ang gawaing pagkatapos ng fasting ay biglang dadamihan mo ang iyong kakainin, magreresulta ito sa pananakit ng tiyan.
Nangangailangan ng disiplina sa pagsunod sa mga paraang ito, o kung anong paraan ang iyong pipiliin. Hindi magiging matagumpay ang iyong fasting kung pabaya ka rin sa pagkaing iyong kinakain.
Tandaan na kailangang masustansiya pa rin ang iyong kakainin. Iwasan ang junk foods, carbonated drinks, sobrang maalat na pagkain, at maging street food.
Mahal nga bang magpaka-healthy? Hindi kailangang gumastos ng malaki upang maging malusog na indibiduwal. Sa panahong nagsisipagtaasan lahat ng bilihin, hahanap at hahanap tayo ng paraan para maging malusog at epektibong mamamayan. MARY ROSE AGAPITO
Comments are closed.