MAHALAGA ANG PAGTULONG NG PRIBADONG SEKTOR VS COVID-19

Magkape Muna Tayo Ulit

KUNG napanood ninyo sa pahayag ni Pangulong Duterte nitong linggo, hindi siya nag-alinlangan na magpasalamat sa mga pribadong korporasyon na walang tigil sa pagbigay ng suporta sa pamamagitan ng donasyon o libreng serbisyo upang maibsan ang paghihirap ng ating mga mamamayan.

Ang mga diperensiya o gusot sa mga pananaw ni Duterte laban sa ilang oligarchs ay isinantabi muna upang tugunan ang mas mataas na tawag sa pagkawanggawa sa publiko sa harap ng delubyo na idinudulot ng sakit na COVID-19.

Nagpasalamat si Duterte sa San Miguel Corporation, MVP Group, sa  pamilya ng Gotianum, Gokongwei, Sy ng SM at marami pang ibang mga malalaking neogsyante na nagbigay ng malaking ambag sa pagtulong sa ating gobyerno laban sa pagkalat ng nasabing sakit.

Ngayon naman, ang MERALCO ay nag-anunsiyo ng buong suporta sa DPWH sa pagbigay ng suplay ng koryente sa mga plano nilang paggawa at pag-convert ng tatlong multi-purpose na gusali para sa mga karagdagang health at medical facilities upang mapaigting ang paggagamot at pag-aaruga sa mga kababayan natin na tinamaan ng COVID-19.

Tutulong ang Meralco sa paglalatag ng plano ng electrical system ng mga iko-convert na gusali kung saan malaki ang pangangailangan ng suplay ng koryente na ididisenyo na maging ospital.  Ang mga ito ay ang Philippine International Convention Center (PICC), World Trade Center (WTC) sa Pasay City, Ninoy Aquino Stadium at Rizal Memorial Sports Complex sa Manila.

Magbibigay ayuda pa ang Meralco sa pamamagitan ng mas pinalakas na pasilidad ng koryente, agarang koneksiyon at panibagong linya ng elektrisidad sa nasabing mga gusali. Nangako rin ang kompanya na hindi mawawalan ng suplay ng koryente ang mga ito sa kahabaan ng operasyon nito bilang alternatibong ospital.

Matatandaan na halos lahat ng ospital sa Metro Manila ay napupuno na ng mga pasyente na tinamaan ng COVID-19 at mga iba pa na nais malaman kung tinamaan sila ng nasabing sakit dahil sa mga sintomas na nararamdaman nila.

Ang problema kasi ay ang ating mga opsital ay may mga ibang pasyente rin na nagpapagamot ng ibang sakit at hindi COVID-19. Kaya nagkukulang na ng mga kuwarto ang lahat ng ating ospital upang tanggapin ang dumadagsang tao na may sakit ng COVID-19.

Sa pamumuno ng bagong presidente ng Meralco na si Atty. Ray Espinosa, malaking hamon ito at ipinakita sa mga mamamayan ang malasakit ng Meralco sa sambayanan na kung minsan ay binabaluktot ng mga militanteng grupo.

Oo nga pala, nasaan sila ngayon? May narinig ba kayong tulong mula sa mga militanteng grupo? May itinulak ba silang isang volunteer group upang makatulong sa mga mahihirap nating kababayan? Nagtatanong lang po.

Comments are closed.