MAHALAGANG PAPEL, GAGAMPANAN NG CSOs SA  HALALAN (Mga pasyenteng may Covid-19 makaboboto)

James Jimenez

ANG paghihigpit sa paghahain ng kandidatura, pangangampanya, pati na ang bilang ng mga botanteng papayagang pumasok sa loob ng presinto para bumoto ay ilan lamang sa mga limitasyong ipatutupad ng Commission on Election (Comelec) sa kanilang inilabas na panuntunan kaugnay sa “new normal” na pamamaraan sa gaganaping pambansang halalan sa susunod na taon.

Bunga ng inilatag na paghihigpit, itinutulak ng Comelec ang paglahok ng civil society organizations (CSOs) sa gagana­ping pangangampanya sa halalan partikular sa mga lugar na kinakailangan ang kaalaman ng mga botante upang maipaabot kaagad ang mahalagang impormasyon na kaila­ngan nilang malaman.

Ito ngayon ang isyung nais harapin ng House Committee on People’s Participation na pinamumunuan ni Rep. Florida “Rida” Robes sa isinagawang online forum na may titulong “Imagining the 2022 National Electios: The Many Ways the Covid-19 Pandemic Can Impact on the Electoral Process”.

Sinabi ni Robes na inorganisa niya ang pagtitipon upang itaas ang kamalayan kung paanong ang pandem­yang dulot ng Covid-19 ay maka-pagpapabago sa paglahok ng publiko sa halalang 2022.

Pinapurihan naman ni House Speaker Lord Allan Velasco ang natu­rang forum sa pagsasabing ito’y napapanahon upang timbangin ang panawagan ng publiko para sa malaya at demokratikong halalan at ang pangangailangang maging ligtas ang lahat sa panahon ng krisis.

Kabilang naman sa mga lumahok sa forum sina dating Commissioner Luie Tito Guia, Comelec Spokespeson James Jimenez at Malou Tuquia ng Publicus Asia Inc.

Sinabi ni Jimenez na dahil sa resulta ng pan­demya, lilimitahan lamang sa limang botante,mula sa dating sampu ang papayagang makapasok sa loob ng presinto para bumoto, maliban sa tatlong mi­yembro ng board of election at isang watcher.

“That is the most extreme that may happen, this is not final and we are discussing this and so we want all voters to be able to finish voting at the earliest possible time so we can accommodate more voters. That is why we want that voters know who to vote for once they enter the precinct. This is why voter education is important,” ani Jimenez.

Bunga ng paglilimita sa bilang ng mga taong papayagang pumasok sa presinto para bumoto, palalawigin ng Comelec ang oras ng botohan mula alas-6 ng umaga hanggang alas-6 ng gabi sa Mayo 9, 2022.

Idinugtong pa ni Jimenez na pahihintulutan din makaboto ang may mga sintomas ng Co­vid-19 bagama’t sa bukod na Isolation polling place sila boboto bilang bahagi ng pag-iingat sa ipinatutupad na panuntunan sa kalusugan at kaligtasan.

Hihigpitan din ang isasagawang campaign rallies, maramihang pagtitipon na may kaugnayan sa halalan, pati na sa canvassing, bilang hakbang sa pagpapatupad ng kaligtasang pangkalusugan.

Sinabi naman ni Guia na ang kanyang grupong Lawyers League for Li­berty of Libertas ay kasama rin sa patuturo sa mga botante, pati na sa reporma sa pagdaraos ng halalan at pagmomonitor sa panahon ng halalan.

Dapat aniyang ma­ging aktibo sa CSOs sa pagganap sa voter education sa pamamagitan ng paghimok sa mga botante na magparehistro, lalo na ang mga kabataan at ang pagkakaloob ng mahalagang impormasyon sa mga kandidatong tatakbo sa iba’t-ibang posisyon.

Sinabi naman ni Jimenez na tatanggap ang Comelec ng mga kawani mula sa CSOs na susuri at tutulong sa mga botanteng papasok sa mga presinto, pati na ang paghahanap sa mga polling place ng bawa’t botante upang  maiwasan ang pagkukumpol-kumpulan.

Sa panig  ni Tiquia, sinabi niya na dahil sa Covid-19, ginawa ng digital ng marami ang paraan ng pangangampanya kung saan mahalaga rin ang magiging papel ng CSOs. Ipinunto niya na maaaring bumuo ang CSOs ng maayos na relasyon sa mga botante sa pamamagitan ng relational database sa social media.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *