ANANG kasabihan: “Kapag umuulan, bumubuhos.” Sa mga nagdaang linggo, muli na namang inilubog ng ulang dala ng habagat ang maraming lugar sa Metro Manila at iba’t ibang bahagi ng Luzon. Bagamat tila nakiraan lamang ang ilang low pressure areas at tropical cyclones at hindi na pumasok ng Philippine Area of Responsibility (PAR), ang pagpapasidhi na idinulot nito sa habagat ay sapat na upang makaabala sa normal na pamumuhay ng ating mga kababayan. Malaking tulong ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) at ang mga impor-masyong kanilang ibinabahagi upang makapag-ingat at manatiling ligtas ang mga mamamayan sa panganib na dulot ng matinding pag-ulan at pagbaha.
Naitatag ang Pagasa noong Disyembre 1972 at naatasang magbigay proteksiyon sa mga mamamayan laban sa mga likas na kalamidad at gamitin ang siyentipikong kaalaman bilang mabisang instrumento upang masiguro ang kaligtasan ng mga Filipino at upang maisulong ang pambansang kaunlaran. Kasalukuyang nasa ilalim ng Department of Science and Technology (DOST), ang Pagasa ay isa sa mga ahensiya sa ilalim ng Scientific and Technolog-ical Services Institutes ng DOST kung saan kabilang din ang Science and Technology Information Institute (STII) at Phivolcs.
Layunin ng Pagasa na maging sentro ng kagalingan sa larangan ng mga serbisyo at impormasyong nauukol sa panahon upang makatulong sa pag-buo ng isang bansang handa at matatag sa mga hamon ng kalamidad at sakuna. Upang higit na mas mapabilis ang pagsasakatuparan ng layuning nabanggit, iminumungkahi kong masailalim ang Pagasa sa itatatag na Department of Disaster Management sa mga sumusunod na kadahilanan:
- Ang mandato ng Pagasa ay higit na nakaayon sa mandato ng Department of Disaster Management. Ang pangangalaga at pagsagip sa buhay at ari-arian ng mga mamamayan sa panahon ng kalamidad at sakuna ang pangunahing layunin ng dalawang ahensiya ng pamahalaan.
- Bagamat napabuti ng Pagasa Modernization Act of 2015 ang mga sistema at kagamitan sa loob ng ahensiya, ang pagsasailalim sa Pagasa sa De-partment of Disaster Management ay makatutulong upang higit pang pondo ang mailaan dito para makabili ng mga mas modernong kagamitan sa pag-subaybay sa lagay ng panahon, makapagpaunlad at makapagpatatag ng kaalaman at kasanayan ng mga empleyado ng ahensiya, makapagbigay ng higit pang insentibo at benepisyo para sa kanilang mga manggagawa, at makapagtatag ng mas marami pang weather stations sa ibang bahagi ng bansa.
- Ang impormasyong ibinibigay ng Pagasa ay napakahalaga sa pagbuo ng mga disaster management and climate change mitigation plans ng De-partment of Disaster Management. Mas mabilis ang koordinasyon at daloy ng impormasyon kung nakapaloob na ang Pagsa sa nasabing departamento.
Tapat sa kahulugan ng pangalan ng ahensiya, ang Pagsa ay tunay na nagbibigay pag-asa sa pagbuo ng isang matatag na sambayanang Filipino. Ang isang populasyon na may kaalaman at kakayahan sa pagtugon sa panahon ng kalamidad ay mas nakasisiguro ng kaligtasan. Sa patuloy na pagsasakatu-paran ng layunin na makapagtatag ng mga komunidad na handa sa pagharap sa mga pangkalikasang krisis at kalamidad, mahalagang tungkulin ang ga-gampanan ng mga ahensiyang tulad ng Pagasa upang maisulong ang ating adbokasiya sa disaster management and risk reduction.
Comments are closed.