NANAWAGAN si Pasig River Rehabilitation Commission (PRRC) Executive Director Jose Antonio “Ka Pepeton” Goitia sa mamamayang Filipino na lubos na mahalin ang tinatamasa nating kalayaan sa pagsuporta sa mga pagbabagong handog ng kasalukuyang pamahalaan na pinamumunuan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte para sa magandang kinabukasan.
“Ngayon, makaraan ang isang siglo at dalawampung taon, ay muli nating tatanawin ang mga dahon ng kasaysayan na kung saan ay nakatala sa pamamagitan ng dugo, luha, at pawis, ang mga pagpapakasakit ng mga sinaunang Filipino sa layuning makamit ang inaasam na kalayaan,” ani Goitia na tagapangulo rin ng PDP Laban sa San Juan City. “Ngayon ay muli nating iwinawagayway at ipinakikilala sa buong mundo ang kagitingan ng ating mga bayani at kasarinlan bilang isang lipi at isang bansa.”
Idiniin ni Goitia na malaya tayo sa pisikal na anyo ngunit kung pagkakalimiin ay nakagapos pa rin tayo sa tanikala ng pagkaalipin sa malakolonyal na kalakaran ng buhay.
“Halimbawa ay ang pagtalima sa kapasiyahan ng iba, kaysa sundin ang sariling konsiyensiya; pagtanggap ng presyo, kapalit ng prinsipyo; pagkalulong sa bisyo, katiwalian sa pamahalaan, pandaraya at panlalamang; at labis na pagkahumaling sa mga produktong yaring banyaga, sa halip na tangkilikin, itaguyod, at mahalin ang mga bagay na likhang Pinoy,” ani Goitia.
“Para sa masaganang kinabukasan ng buong bansa, talikdan na ang mga mapaminsalang gawi, bagkus ay tahakin ang landas tungo sa tagumpay at pag-unlad,” dagdag ng PRRC official. “Huwag nating sayangin ang kasarinlang ipinamana ng ating mga ninuno. Idambana at igalang natin ang kanilang alaala. At higit sa lahat, maging responsableng Filipino tayo, sa isip, sa salita at sa gawa. Mabuhay ang Filipino! Mabuhay ang Filipinas!”
Comments are closed.