MAHARLIKA BILL APRUB NA

APRUBADO na ang panukalang batas ukol sa Maharlika Investment Fund (IMF) na isusumite kay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ng Kongreso para maging ganap na batas.

Ito ay matapos na i-adopt ng pre- bicameral conference committe ng dalawang kapulungan ng Kongreso ang bersiyon ng Senado sa pangunguna ni House Speaker Martin Romualdez.

Matapos nito ay ipinaalam na lamang sa mga senador sa huling araw ng sesyon ang napagkasunduan ng kapulungan at walang sinumang tumutol dito.

Ayon kay Senador Mark Villar, na siyang nagdepensa sa naturang panukala, magbibigay ng 350,000 trabaho ang naturang panukalang batas sa sandaling ito ay ipatupad na.

Bukod dito, makakabawi ang bansa sa idinulot ng COVID-19 pandemic na baon sa utang.

Iginiit pa ni Villar na ang Maharlika bill ay makahihikayat ng mas maraming investors o mamumuhunan sa bansa.
Inamin ni Villar na nagpahayag na ang ilang mga negosyante ng kanilang kagustuhang mag-invest subalit tumanggi naman ito na tukuyin kung ano-anong kompanya ito.

Hindi rin muna binanggit ni Villar ang mga bansang nagpahayag ng interes na mag-invest sa naturang panukala.
Tiniyak din ng senador na nakapaloob sa naturang panukala ang pagbabawal sa Social Security System (SSS) at Government Service Insurance System (GSIS) na mag-invest sa naturang korporasyon sa sandaling ito ay maging batas na.

Maliwanag na tinuran Villar na ang pondo ng MIF ay manggagaling lamang sa LandBank, Development Bank of the Philippines (DBP), Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), PAGCOR at sa pamahalaan.

Binigyang-diin naman ni Villar na nasa kamay na ng Pangulo kung sino ang itatalagang pinuno ng korporasyon.

Kaugnay nito, tiniyak ni Senate President Juan Miguel Zubiri na hindi basta-basta lamang magtatalaga ang Pangulo ng mamumuno sa korporasyon dahil ito ay dadaan pa sa isang proseso kung saan ay mayroong advisory board na magsasagawa ng imbestigasyon para sa mga magiging nominado bago isumite ang tatlo hanggang limang pangalan na pagpipilian ng Pangulo.

Iginiit ni Zubiri na wala itong pagkakaiba sa Judicial and Bar Council (JBC) na nagrerekomenda sa Pangulo ng magiging nominado para sa posisyon ng Punong Mahistrado at maging mahistrado.

Naniniwala si Zubiri na dahil sa dami ng safeguard na inilagay sa bersiyon ng Senado ay madaling nakumbinsi ang Kamara na i-adopt ang kanilang bersiyon sa Maharlika bill.

-VICKY CERVALES