KINUMPIRMA ni Presidential Communications Office (PCO) Secretary Cheloy Garafil na naisumite na sa Malacañang ang panukalang Maharlika Investment Fund bill.
Aniya, natanggap na ng Office of the Deputy Executive Secretary for Legal Affairs ang iminungkahing panukala noong Martes.
Aminado naman si Gerafil na wala pang petsa kung kailan ito pipirmahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Ang panukalang batas ng Maharlika Investment Fund ay naglalayong i-tap ang mga asset ng estado para sa mga investment venture sa pag-asang makabuo ng karagdagang pampublikong pondo.
Idiniin ng Pangulong Marcos na ang MIF ay magiging independyente mula sa gobyerno kapag naitatag sa pamamagitan ng batas.
Nauna nang sinabi ng Pangulo na pipirmahan niya ang panukala sa sandaling makuha niya ito.
Aniya, ang mga desisyon kaugnay ng pondong ito ay hindi dapat iugnay sa pulitika.
Ang panukalang batas sa Maharlika Investment Fund ay niratipikahan ng Kongreso bago ito nag-adjourn ng sesyon noong Mayo 31.
Nauna rito, binalaan ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III si Marcos laban sa pagpirma sa Maharlika Investment Fund (MIF) Bill.
EVELYN QUIROZ