MAHARLIKA FUNDS BA O “MAHAL”, IKA NGA ITONG PONDO NA ITO?

SA TOTOO lang, mainit ang isyung ito tungkol sa plano ng mga mambabatas sa pagtataguyod ng tinatawag na Maharlika Wealth Fund.

Ito ay isang panukalang batas kung saan popondohan ito ng P275 bilyon mula sa mga government pension funds at bangko upang gamitin sa pag-invest ng mga malalaking proyektong pangnasyonal o big-ticket national development projects.

Marami ang hindi sang-ayon sa nasabing panukala. Unang-una, tayong mga nagbibigay ng kontribusyon sa mga ahensiya ng gobyerno tulad ng GSIS at SSS ay maaaring maapektuhan kung sakaling gamitin ang pondo mula rito sa nasabing mga national development projects. Dagdag pa rito, marami ang nagsasabi na kulang daw sa ilalim ng panukala upang protektahan ang nasabing pondo sa posibleng korupsiyon.

Subalit pagkatapos ng ilang linggo na tinutuligsa ang nasabing panukalang batas, tila nagbabago na ang isipan ng ilang mambabatas na huwag gamitin ang pondo ng SSS at GSIS. Ang pananaw diyan ay maraming paraan upang makalikom ng pondo para sa mga malalaking proyekto ng gobyerno na hindi naman kailangang itaya ang kontirbusyon ng mga ordinaryong manggagawa na nagbibigay sa SSS at GSIS. Huwag naman sana, subalit kung magkaroon ng problema sa pagdispalko ng nasabing pera ng Maharlika Funds, tayong mga ordinaryong mamamayan ang tatamaan dito.

May sinabi rin kamakailan ni Albay Rep. Joey Salceda, chairman ng House Committee on Ways and Means, na tila sadyang may plano sa ilalim ng panukala na ‘exempted’ ang mga miyembro ng board of directors ng nasabing Maharlika Investment Fund sa salary limit sa ilalim ng Salary Standardization Law (SSL) at sa Civil Service Law. Ito raw ay upang mahikayat ang mga magagaling na indibidwal na magpalakad ng nasabing opisina. Ika nga ni Salceda upang “ma-attract ang the best and the brightest.”

“Kasi ngayon ‘yung private sector remuneration ay hindi mapapantayan ng kahit anong (agency) except kung from BSP… ‘Yung private sector talent is being monopolized by the private sector. With the kind of Salary Standardization Law we have right now, it’s very low,” ang paliwanag ni Salceda.

Sa ilalim ng SSL, ang maximum salary ng isang empleyado ng gobyerno ay P423,723 at ito ay ang ating Pangulo. Ang pinakamataas na suweldo na nagtatrabaho sa gobyerno ay ang governor ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na tumatanggap ng P1 million a month. Huwaw!

Kaya napaisip ako. Ang lalaki ng suweldo ng mga nagtatrabaho sa BSP, subalit tayo ay pinahihirapan nila sa mga bagong inilabas nilang barya! Susmaryosep, sabihin ninyo sa akin kung hindi kayo nalilito sa barya ng isang piso, limang piso at sampung piso. Sige nga? Pati ang singkwenta sentimos ay napagkakamalan na isang piso…at ang pinakamataas na opisyal ng BSP ay sumusweldo ng tumataginting na isang milyon!!!

Heto pa. ‘Yung mga bagong papel na pera natin ay ipinagbabawal na tupiin. Ha?! Pati sa paggamit ng salapi ay pinahihirapan tayo!