HINDI na bago sa ating pandinig ang Maharlika Wealth Fund Bill.
Nais nga lang daw malinawan ng ilang ekonomista at investment bankers ang tungkol sa sovereign wealth fund na ito na inapurang ipasa ng House of Representatives.
Kung maaalala, iginiit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na mahalaga ang investments na maaaring makuha mula sa wealth fund.
Lumusot na kasi sa ikatlo at pinal na pagbasa ang House Bill o HB 6608 na sinertipikahang urgent ni PBBM.
Makaraan ang botohan, 279 kongresista ang pumabor, anim ang tumutol at walang abstention kaya’t napagtibay ang HB 6608 o Maharlika Investment Fund (MIF) na layong magtatag ng Sovereign Wealth Fund sa bansa.
Kung hindi ako nagkakamali, si House Speaker Martin Romualdez mismo ang nag-preside sa plenaryo ng Kamara sa botohan sa bill.
Aba’y nasa 90% o 282 ng kabuuang 312 mambabatas ng Kamara ang nagsilbing co-author o suportado ang panukalang batas.
Noong una, MWF o Maharlika Wealth Fund ang itinawag nila dito hanggang sa baguhin ito at ginawang MIF.
Tulad ng inaasahan, sumalungat sa MIF Bill ang Makabayan bloc solons na kinabibilangan nina ACT Teachers Rep. France Castro, Gabriela Partylist Rep. Arlene Brosas at Kabataan Partylist Raoul Manuel.
Tumutol din sina Camarines Sur 3rd District Rep. Gabriel Bordado Jr. at Basilan Rep. Mujiv Hataman.
Batay sa panukala, huhugot ng pondo ang MIF sa Land Bank of the Philippines, Development Bank of the Philippines (DBP), Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR) at Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na magsisilbing MIF contributors.
Noong una, kasama sa mga tinukoy na pagkukunan ng pondo ang Social Security System (SSS) at Government Service Insurance Systems (GSIS).
Subalit hindi ito itinuloy dahil sa mga pension fund ito ng private at government workers.
Ang mga Government Financial Institution (GFIs) ang lilikom ng pondo upang maging puhunan at makakuha ng mga malaking kita.
Ang kikitain dito ay ilalaan naman daw sa mga pambansang programa at proyekto ng gobyerno tulad ng agrikultura, transportasyon, kuryente, at iba pa.
Papatawan naman ng pagkakabilanggo at pagmumultahin ng mula P80,000 hanggang P5 milyon ang mga masasangkot sa iba’t ibang paglabag o katiwalian.
Nakahanay raw sa violations ang internal auditor collusion, pagsisilbi bilang intermediary sa graft and corrupt practices at pagiging sangkot sa anumang uri ng korapsyon na may kinalaman pa rin dito.
Sinasabing ang iba pang mga paglabag ay may katapat na parusang mula anim hanggang 20 taong pagkakakulong at multang papalo mula P1 milyon hanggang P3 milyon.
Malamig nga lang sa bill na ito ang ilang mambabatas at senador, kabilang sina Sen. Imee Marcos at Sen. Bong Go.
Mahalaga raw na mapag-aralan itong mabuti lalo pa’t nahaharap pa sa krisis ang bansa.
Tiyak na daraan din ito sa matinding debate sakaling umabot sa mataas na kapulungan.
Maganda ang layunin ng MIF Bill na ito at hindi naman tayo tutol dito.
Gayunman, pabor naman tayo sa panawagan ng ilang lawmakers na busisiin itong maigi.
Tandaan na kahit ang pinakamalalaking sovereign wealth funds sa mundo ay malaking pagkalugi ang sinapit ngayong taon.
Halimbawa na lamang dito ay ang Public Service Pension Fund ng Taiwan na nag-report ng investment loss na nasa $1.96 bilyon o tinatayang 8.38% mula Enero hanggang Oktubre ngayong 2022.
Ang wealth fund ng Norway ay nalugmok din sa $174 bilyon na pagkalugi sa unang anim na buwan lamang ng taon habang ang Temasek Holdings ng Singapore ay na-bankrupt na ngayon sa FTX crypto currency exchange.
Hanggang ngayon, tila hindi pa rin napapawi ng mga proponent ng Maharlika Bill ang pangamba ng publiko na baka mauwi lang ito sa behest loans ng mga kroni ng mga nasa kapangyarihan.
Maging ang ilang business group ay nanawagan na rin kay PBBM na huwag munang ituloy ang planong sovereign wealth fund upang maprotektahan daw ang credit rating ng bansa lalo na sa panahon ng problema sa ekonomiya sa malaking bahagi ng mundo.
Sa palagay ko naman, tama ang ilang eksperto sa tinuran nila na magiging matagumpay lamang ang MIF kung masisiguro na malayo ito sa korapsyon at mapapamahalaang mabuting ng administrasyon.