(Mahigit 2 linggo bago ang deadline)37.94% PA LANG NG SIM CARDS ANG NAKAREHISTRO

WALA pang kalahati ng kabuuang subscriber identity module (SIM) cards sa buong bansa ang nakarehistro, mahigit dalawang linggo na lamang ang nalalabi bago ang deadline.

Sa datos na inilabas ng Department of Information and Communications Technology (DICT) nitong Lunes, 64,114,057 SIM cards ang nakarehistro na hanggang 11:59 p.m. ng Linggo, April 9.

Katumbas ito ng 37.94% ng 168.977 million SIMs sa buong bansa at nagpapakita ng pagtaas mula sa 62.170 million SIM cards na nakarehistro hanggang April 7.

Ang DITO Telecommunity Corp. ang bumubo sa 4.818 million SIMs; Globe Telecom Inc., 27.257 million; at Smart Communications Inc., 32.038 million.

Nauna nang sinabi ng DICT na hindi na palalawigin ang April 26, 2023 deadline sa pagpaparehistro ng SIM card.

Sa ilalim nv SIM Card Registration Act, ang lahat ng public telecommunications entities (PTEs) ay may mandatong magtayo ng kani-kanilang registration platforms para sa kanilang mga subscriber.

Ang mga user ay binigyan ng 180 araw o hanggang April 26, 2023 para iparehistro ang kanilang SIM cards, o maharap sa panganib na ma-deactivate ang mga ito.