UMABOT sa 2,088 ang tinanggap na aplikasyon ng Pateros Commission on Elections (Comelec) sa mga bagong nagparehistrong botante sa iginawad na extension period sa munisipalidad.
Ayon kay Pateros election officer Armando Mallorca ang aplikasyon sa pagpaparehistro ng 2,088 bagong botante ay tinanggap ng Comelec mula Oktubre 11 hanggang 30 o may katumbas na average na 116 bagong botante sa kada araw bilang preparasyon para sa gaganaping Mayo 9, 2022 national at local elections.
Sinabi ni Mallorca, ang kabuuang nabanggit na bilang ng bagong botante sa munisipalidad ay kabilang ang rehistrasyon ng first-time voters, aplikasyon para sa paglipat at reactivation ng kanilang registration, at ang pagtatama sa maling impormasyon sa kanilang voter’s registration record (VRR).
Nauna nang inihayag ni Mallorca ang kabuuang bilang ng nagparehistrong botante sa pinakamaliit na local government unit (LGU) sa Metro Manila na umabot lamang sa 37,385.
Ayon naman kay Comelec spokesperson James Jimenez, kanyang pinaalalahanan ang mga tumatakbong kandidato para sa eleksiyon na ang pagpapalit ng pangalan na lalabas sa balota ay hanggang Nobyembre 8 na lamang.
“The contents of the list as uploaded are not yet final. We still have deadlines for requests for correction of names to appear on the ballot, and for substitution of official candidates due to withdrawal,” (Ang nilalaman ng listahan na na-upload ay hindi pa pinal. Mayroon pa kaming deadlines para sa request ng pagbabago sa pangalan na makikita sa mga balota, gayundin sa mga substitution ng opisyal na kandidato dahil sa withdrawal) ani pa Jimenez.
Bukod sa pagbabago ng mga pangalan ay itinakda rin ng Comelec ang deadline para sa pagpapalit ng opisyal na kandidato ng political party o kowalisyon ay hanggang Nobyembre 15. MARIVIC FERNANDEZ