MAHIGIT 300 INMATES, NAGTAPOS SA ALS

INMATES-ALS

BATAAN – INULAT ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na mayroon nang mahigit sa 300 na pawang mga babae at lalaking inmates ng Bataan District Jail (BDJ) ang nakapagtapos sa programang Alternative Learning System (ALS) ng Department of Education (DepEd) simula pa noong taong 2013.

Napag-alaman ito sa tanggapan ni Bataan District Jail Warden Supt. Andrew Tauli.

Ayon kay Tauli, 301 sa mga male at female inmates ang pawang mga nakapagtapos ng kanilang highschool curriculum habang dalawampu’t isa sa mga ito ay nakapagtapos naman ng kanilang Elementary Education.

Sa pinakahuling isinagawang graduation ceremony, 66 na inmates ang pawang nagsipagtapos sa highschool at elementary education.

Pinasalamatan ng mga nagsipagtapos na inmates ang BJMP at DepEd matapos umano silang mabigyan ng pagkakataong makapag- aral at makapagtapos sa pamamagitan ng ALS sa kabila umano ng kanilang kalagayan ay nakamit pa rin nila ang edukasyon sa loob ng piitan.

Kabilang din sa mga programang ipatutupad sa naturang piitan ang programa para sa livelihood at skills development para sa mga inmate.   ROEL TARAYAO