MAHIGIT 350K BALOTA, DEPEKTIBO – COMELEC

DEPEKTIBO  ang nasa 372,878 kabuuang mga balota, mula sa 64,442, 616 na mga naimprentang balota na gagamitin para sa Eleksyon 2022.

Ito ang kinumpirma mismo ni Commission on Elections Commissioner George Garcia, sa mga mamamahayag.

Aniya, ang naturang bilang ng mga depektibong balota ay 0.58% ng kabuuang bilang ng mga balota.

Ayon kay Garcia, “subject for reprinting” ang mga balota.

Sinabi pa nito na tatapusin lamang ang reprinting ng lahat at paglimbag ng iba pang forms, at pagkatapos ay isasagawa na ang “destruction” o pagsira sa mga depektibong mga balota.

Maglalabas naman ng notice o abiso ang Comelec kung kailan ito gagawin.

Sa mga naunang pahayag ng Comelec, sinasabing ipapakita sa publiko ang mga depektibong balota at susunugin ang mga ito. Jeff Gallos