UMAABOT sa mahigit 500 katao ang nanatili sa mga evacuation centers sa Lungsod ng Malabon at Valenzuela matapos ilikas mula sa kanilang mga kabahayan dahil sa pagtaas ng tubig sa patuloy na pagbuhos ng ulan na dala ng habagat.
Ayon kay Malabon City Public Information Office (PIO) chief Bong Padua, mahigit 200 inidividuals ang apektado ng pagbaha at nagpapatuloy naman ang relief goods para sa evacuees na nanatili sa Merville Elementary School.
Kahapon ng Linggo ng umaga, halos humupa na ang tubig baha sa buong lugar sa lungsod maliban sa Brgy. Dampalit na patuloy namang mino-monitor ng local na pamahalaan.
“Hanggang tuhod na lang sa Brgy. Dampalit, May mga kasama kami doon na disaster team”, pahayag ni Padua.
Pinayuhan din ni Padua ang mga motorista na iwasan dumaan sa Brgy. Dampalit at sa halip ay dumaan na lamang sa Mc Arthur Highway.
Samantala, sa Valenzuela City, nasa 151 pamilya o 497 indibiduwal ang kasalukuyang nasa Valenzuela National High School, ayon kay Valenzuela City PIO chief Zyan Caiña.
Aniya, halos humupa na rin ang tubig baha sa lahat ng lugar sa lungsod maliban sa Brgy. Mabolo at Caloong habang madaraanan ng mga sasakyan ang mga kalsada. VICK TANES
Comments are closed.