LUNGSOD NG MALOLOS – May kabuuang 611 kabataang Bulakenyo ang nagmartsa sa entablado hawak ang kanilang mga sertipiko at kabilang sa mga dumalo sa PGB Summer Sports Clinic Mass Graduation na ginanap sa Bulacan Capitol Gymnasium nitong Huwebes ng hapon.
Ang summer program na taunang ginaganap ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pamamagitan ng Provincial Youth, Sports and Public Employment Service Office ay naghahandog ng sports program gaya ng aikido, swimming, badminton, basketball, chess, dance sports, football, gym-nastics, taekwondo, lawn tennis at volleyball.
Bago ang programa, ipinakita ng mga kalahok mula sa aikido, dance sports at taekwondo ang natutuhan nila sa kanilang mga sesyon.
Gayundin, ilan sa mga kalahok ay tumanggap ng medalya matapos manalo sa kani-kanilang kompetisyon.
Sa kanyang mensahe na ibinahagi ni Chief of Staff Antonio Del Rosario, pinuri ni Gob. Wilhelmino Sy-Alvarado ang pagsisikap ng mga magulang at sa walang pagod at patuloy na pagsuporta nila sa kanilang mga anak upang makamit ang kanilang mga pangarap sa buhay.
“Magpasalamat tayo sa ating mga magulang sa kanilang suportang ipinakita ngayong araw. Nawa ay maging makabuluhan ang pagtatapos ng Summer Sports Clinic at maipagpatuloy ninyo (mga bata) ang disiplina at mga kaalamang inyong natutunan sapagkat mahalagang bahagi ito patungo sa pagiging mabuting mamamayan,” ani Del Rosario.
Hinikayat naman ng pinuno ng PYSPESO na si Elizabeth Alonzo ang mga magulang na patuloy na sumuporta at asahan pa ang mga makabuluhang programa mula sa kanilang tanggapan para sa mga kabataan.
Samantala, ibinahagi ng head coach ng taekwondo na si Nimrod Blas ang kanyang positibong mensahe para sa kanyang mga estudyante at ipinag-malaki ang kakayahan ng mga ito na lumaban sa mga sports competition.
“Natutuwa ako dahil naatasan ako na mag-coach sa mga bata. Ngayon pa lang nakikita ko na may kakayahan sila mag-compete sa mga Olympics at sports competition. Sana balang araw magkaroon ng representative ang Bulacan,” ani Blas.
Bukod sa summer sports clinic, may kabuuang 1,012 na kabataan din ang nabigyan ng oportunidad na magtrabaho sa mga kompanya sa lalawigan nitong bakasyon bilang bahagi ng programang Special Program for Employment of Students ng Pamahalaang Panlalawigan. A. BORLONGAN
Comments are closed.