HINDI inaresto ang may pitong libong tambay na pinagdadampot ng Philippine National Police.
Ito ang ginawang paglilinaw ni Presidential Spokesman Harry Roque sa harap ng isyu na bagamat wala pang malinaw na rules kaugnay sa kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte na linisin sa kalye ang mga tambay.
Sinabi ni Roque na imposibleng arestuhin ang pitong libo katao dahil tiyak na walang paglalagyan sa kulungan.
“Let’s not make generalizations. I don’t think we have space for 7,000 people in our jails. So they were not literally brought to jails,” giit ni Roque.
Ayon kay Roque, hindi maikakaila na noon pa man ay may malaking problema at siksikan na ang mga kulungan sa bansa.
“Iyon ang impression na lumalabas na parang kinulong ang 7,000, come on, that physically impossible. So talagang sinabi, ‘umalis na kayo diyan, otherwise mahuhuli kayo.’ So, kapag nag-iinuman, ‘itigil n’yo iyan.’ O masama ba iyon?” dagdag pa ni Roque.
Naniniwala si Roque na ang pitong libong tambay ay maaring nasita lamang ng PNP dahil sa pakalat-kalat sa kalsada.
Sinabi pa ni Roque, na hindi maituturing na anti-poor ang paglilinis sa kalsada ng mga tambay at binanggit din na mabababa ang krimen sa mga bansang tulad ng Sweden, Finald at Japan na pawang mga walang tambay sa kanilang bansa.
“Well, I don’t think its anti-poor. It’s just that, number one, it’s a legitimate exercise of the President… of the powers of the President to prevent crimes. At ang ating objective pa rin is to serve the bigger community, because with less crimes, we have safer communities” giit pa ni Roque. EVELYN QUIROZ
TAMBAY GAMOT SA DEPRESYON
IGINIIT ni Senador JV Ejercito na may maganda ring benepisyo sa mga taong may pinagdaraanan sa buhay ang pagtambay.
Paliwanag ni Ejercito, kahit mahirap ang bansa, hindi masyadong nagkakaroon ng breakdown at depresyon ang mga Filipino kompara sa mga mauunlad na bansa.
Aniya, kapag may problema ay nagtutungo agad tayo sa mga kabarkada, kaibigan at kamag-anak o kapitbahay upang makipagkuwentuhan kahit sa kanto at tapat ng bahay lamang kaya mababa ang bilang ng mga nagpapakamatay kompara sa ibang bansa.
Bilang dating alkalde ng San Juan, inamin nito na may ordinansa naman sa kanila na ipinagbabawal ang nag-iinuman sa kalye at mga nakahubad sa kalsada.
Subalit, nilinaw nito na may exemption sila tulad ng maaari naman na uminom basta nasa loob ng compound at nakahubad pang-itaas kapag may ginagawa tulad ng pagkukumpuni ng sasakyan at naglilinis ng estero o naglalaba.
Hindi naman tutol si Ejercito sa pag-aresto sa mga tambay subalit, dapat na kasama ng mga pulis ang tanod o opisyal ng barangay sa operasyon para malaman kung ang nakatayo sa kalye ay nakikipagkuwentuhan lamang o nagbabalak na gumawa ng krimen. VICKY CERVALES
Comments are closed.