“PATULOY pong katuwang ang PCSO ng mga kababayan nating nangangailangan ng tulong.”
Ang naturang pahayag ay sinabi ni Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) Chairman Junie E. Cua kasabay ng pahayag nito na mahigit 70,000 Pilipino ang kanilang nabiyayaan ng tulong medikal na umabot sa halos P450 milyon halaga sa pamamagitan ng Medical Access Program nito para sa ikatlong quarter ng taon.
“Para sa 3rd quarter ng 2023, umabot sa 71,302 Pilipino ang nabigyan ng tulong na katumbas ng halos P450 milyon (P447,829,666.50) sa pamamagitan ng Medical Access Program (MAP),” ani Cua.
Dahil dito, umabot sa mahigit P1.2 bilyon (P1,212,406,641.38) ang tulong na inilabas ng ahensya para sa taong kasalukuyan, na pinakinabangan ng 185,727 Pilipino at kanilang mga pamilya.
Nabatid na noong nakaraang taon ay naglabas ang PCSO ng P1,395,310,206.43 na tulong ng MAP sa 210,731 na benepisyaryo.
Sinabi ni Cua na nananatiling nakatuon ang PCSO sa pagpapabuti ng mga serbisyo nito, partikular ang tulong medikal at iba pang mga programa sa serbisyong panlipunan.
“Bilang flagship program ng PCSO, pursigido po talaga kami na paramihin pa ang kababayan nating nakikinabang sa MAP,” giit ni Cua.
“Malaking tulong po ang MAP lalo na para sa mga pamilyang may myembrong na-ospital, nangangailangan ng dialysis, chemotherapy, at treatment para sa iba pang sakit,” dagdag pa ng PCSO Chairman.
Ipinahayag din ni Cua ang kanyang pasasalamat sa mga Pilipinong tumatangkilik sa mga laro ng PCSO, at sinabing ang kanilang partisipasyon ay napakahalaga sa pagtiyak na mayroong pondo para sa mga programa ng PCSO.
“Dahil po sa paglahok ninyo, nagkakaroon tayo ng pondo para sa iba’t ibang tulong na naipapaabot ng PCSO. Sa inyo nakasalalay ang tagumpay namin,” ani Cua.
Inatasan ang PCSO na italaga ang 30 porsiyento ng mga kita nito para sa kanilang charity fund, 55 porsiyento para sa mga premyo, at 15 porsiyento para sa mga operasyon nito.