(Mahigit isang buwan bago ang pagsalubong sa 2023)PRESYO NG PAPUTOK DUMOBLE

BALLOONS-FIREWORKS

TUMAAS na ang presyo ng mga paputok sa Bocaue, Bulacan kung saan ang ilan ay dumoble pa, mahigit isang buwan bago ang pag-salubong sa Bagong Taon.

Ayon kay Pyrotechnics Manufacturers and Dealers Association (PPMDAI) president Lea Alapide, isa sa mga paputok na nagtaas na ng presyo ay ang 16-shot aerial pyrotechnics na dating nasa P950 ay nasa P2,000 na ngayon.

Ang kakulangan sa mga kemikal na ginagamit sa paggawa ng paputok ang pangunahing dahilan ng pagtaas ng presyo.

Bunsod din ito ng ipinatupad na lockdown dahil sa COVID-19 pandemic, kung saan huli na ang pagbili ng mga manufacturer ng paputok.

“Ang demand hindi ma-meet. Talagang tataas kasi mataas na rin ang presyo ng chemicals, may inflation, pagtaas ng gas,” ani Alapide.

Nauna rito, sinabi ng Pyrotechnics Regulatory Board (PRB) ng Bulacan na pinamumunuan ng chairnan nito na si Gov. Daniel Fernando na ang pagsabog noong nakaraang taon sa isang pabrika ng kemikal sa China, na pangunahing supplier ng lokal na industriya ng paputok, ay nag-ambag sa kakulangan ng mga hilaw na ­materyales.