MAHIGIT P1.00 DAGDAG-PRESYO SA PETROLYO

PETROLYO-22

MAHIGIT P1.00 kada litro ang itataas ng presyo ng produktong petrolyo simula ngayong Martes, Pebrero 8. Ito na ang ika-6 na sunod na linggo na may dagdag-presyo sa petrolyo.

Sa magkakahiwalay na abiso, sinabi ng Chevron Philippines Inc. (Caltex), Petron Corp., Pilipinas Shell Petroleum Corp., at Seaoil Philippines Inc. na ang kada litro ng gasolina ay tataas ng P1.05, diesel ng P1.20, at kerosene ng P1.25.

Magpapatupad ang Cleanfuel, Petro Gazz, Phoenix Petroleum Philippines Inc., PTT Philippines Corp., at Unioil Petroleum Philippine Inc. ng kaparehong adjustments maliban sa kerosene na hindi nila ibinebenta.

Epektibo ang taas-presyo sa alas-6 ng umaga maliban sa Cleanfuel na magpapatupad ng price increase sa alas-12:01 ng umaga ng kaparehong araw.

Noong nakaraang Martes, Peb. 1, ang presyo ng kada litro ng gasolina at diesel ay tumaas ng P0.75, habang ang kerosene ay may dagdag-presyo na P0.45 kada litro.

Sa datos ng Department of Energy (DOE), hanggang noong Enero 25, 2022, ang year-to-date adjustments ay may total net increase na P4.95 kada litro para sa gasolina, P7.20 kada kitro sa  diesel, at P6.75 kada litro para sa kerosene.