MAHIGPIT NA HEALTH PROTOCOLS SA VOTER REGISTRATION

James Jimenez

MAGPAPATUPAD ang Commission on Elections (Comelec) ng mas mahigpit na mga polisiya at health protocols sa kanilang mga registration centers para sa nakatakdang pagpapatuloy ng voter registration sa bansa sa Setyembre 1.

Ayon kay Comelec Spokesperson James Jimenez, ito’y upang matiyak aniya na hindi magkakaroon ng hawahan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Sinabi rin ni Jimenez na isasagawa lamang nila ang voter registration sa mga lugar na nasa ilalim na ng general community quarantine (GCQ) at modified general community quarantine (MGCQ).

Aniya, bukas ang kanilang mga lokal na tanggapan mula Martes hanggang Sabado lamang, at mula 8:00 ng umaga hanggang 3:00 ng hapon lamang.

Sa ngayon aniya ay nasa tatlo hanggang apat na milyong botante pa ang inaasahan nilang magpaparehistro ngunit sisiguruhin aniya nilang hindi magkakaroon ng siksikan ng mga aplikante sa kanilang mga registration centers, sa pamamagitan nang istriktong pagpapatupad ng physical distancing.

“Lilimitahan po natin ang tao sa loob nung registration center. Kaya ang malinaw na sinasabi natin ngayon pa lang, ‘yung pagtanggap natin ng application forms, ng registration ay hanggang 3:00 p.m. lang talaga. Alam naman natin na yung siksikan ngayon, delikado sobra,” ayon kay Jimenez, sa pana­yam sa radyo.

Mahigpit rin aniya nilang ipapatupad ang iba pang health protocols na ipinaiiral ng pamahalaan para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19, kabilang na rito ang ‘no face mask, no face shield, no registration policy.’ ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.