MAHIGPIT NA I-REGULATE ANG E-SABONG

TINATAYANG 4,586 sanggol ang isinisilang kada araw.

Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), pumalo sa 703,400 babies ang ipinanganak mula Enero hanggang Agosto 2021 habang 981,270 naman sa kaparehong panahon noong 2020.

Sa Pilipinas na isa sa pinakamahihirap na bansa sa mundo, maraming bata o sanggol ang nakararanas ng iba’t ibang anyo ng karahasan tulad ng pisikal, emosyonal, at sekswal.

Nararanasan nila ito sa sariling bahay, komunidad, eskwelahan, at online.

May mga menor de edad o sanggol ding ibinebenta ng sariling mga magulang dahil sa labis na kahirapan.

Ang 22-anyos namang si “Nica” (hindi tunay na pangalan) ng Pasig City ay ibinenta ang sariling anak noong Marso 3, 2022 makaraang mabaon daw sa utang dulot ng online sabong o e-sabong.

Sanhi ng matinding pangangailangan, ipinagpalit nga ng ginang ang kanyang siyam na buwang gulang na anak na babae sa halagang P45,000.

Pagkalulong sa sugal ang nagtulak sa kanya para ibenta ang anak.

Sa kabutihang palad, nasagip ang anghel ng mga elemento ng National Bureau of Investigation Anti-Human Trafficking Division (NBI-AHTRAD) sa Sta. Cruz, Laguna noong Marso 22.

Pinosasan ng NBI ang Pinay na si Imelda Malibiran at ang kanyang Nigerian husband na si Ifeanyi Bright Okoro o mas kilala bilang “Maxwell Bright.”

Sina Malibiran at Bright ang nakabili sa sanggol na si “Miracle” mula sa taong pinagbentahan ni Nica sa Quezon City.

Noong Marso 1, ang unang buyer ay nakilala ni Nica sa Bahay Ampunan group, isang private group sa Facebook, at nagkasundo silang bilhin ang sanggol sa halagang P45,000.

Batay sa mga naging panayam kay Nica, may dalawang anak na raw pala ito at may asawa rin.

Nagtaka nga raw ang mister ni Nica nang makitang may bago itong cellphone nang umuwi sa kanilang bahay noong araw na nawala ang sanggol.

Sabi ng ale, iniwan daw niya ang bata sa kanyang nanay sa Makati City.

Lingid sa kaalaman ng mister, ibinenta na pala ang kanilang anghel.

Makalipas ang 19 araw, naibalik sa kanila ang sanggol kaya laking pasasalamat sa NBI ng ama nito bunsod ng kanilang matagumpay na operasyon.

Dahil sa nangyari, ipinag-utos ng Department of Justice (DOJ) ang pagsasampa ng mga kasong child trafficking sa ilalim ng Republic Act No. 7610, paglabag sa Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act, kidnapping at ‘failure to return a minor’ sa ilalim ng Article 270 ng Revised Penal Code (RPC) laban sa mga respondent.

Hindi biro ang nangyari sa sanggol na si “Miracle” dahil nagawa itong ibenta dahil sa pagkalulong sa e-sabong ng kanyang ina.

Kung maaalala, mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang nanawagan sa mga mambabatas na huwag na lang pansinin ang electronic sabong.

Alam daw kasi ng Pangulo na kumikita rito ang gobyerno.

Isa pa, talagang nakikinabang ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) sa buwis na ibinabayad ng e-sabong operators.

Naniniwala naman ako na alam ni Pangulong Duterte ang kanyang ginagawa.

Ang pagbenta ni Nica sa kanyang sanggol sa halagang P45,000 para mabayaran ang malaking pagkakautang sa e-sabong ay posibleng isolated incident lamang.

Ang mahalagang gawin ng gobyerno ay mahigpit na i-regulate ang e-sabong.

Kung may pakinabang ang pamahalaan, puwede namang hindi ito i-suspend basta tiyakin lamang na nasusunod ang mga ipinatutupad na regulasyon.

I-regulate na lang siguro nang maayos ang e-sabong ngunit huwag din naman nating hayaan na lang na magumon sa sugal ang mamamayan.

Sa aking palagay, nasa tao pa rin talaga ‘yan kung gusto nilang magpakalulong sa sugal na pinasok nila.

Isang uri rin ‘yan ng bisyo tulad ng alak at sigarilyo na maski mala-ginto na ang halaga ay tinatangkilik pa rin ng tao.

Ikaw nga ng mga sanay sa e-sabong, “TALPAK RESPONSIBLY”!