MAHIGPIT na ipinapatupad sa Caloocan City ang “No Proof of Vaccination, No Entry” policy sa mga pampublikong lugar at mga establisimiyento kaugnay ng pagsunod sa Ordinance No. 0959 Series of 2022.
Agad namang nagsagawa ng random inspection ang mga kawani mula sa Caloocan City Public Safety and Traffic Management Department upang tiyaking naipatutupad ang ordinansa at sa entrance pa lamang ng mga establisimiyento ay tinitingnan na ang mga vaccination card ng bawat pumapasok na indibidwal kasabay ng pagkuha ng body temperature, pag-fill out ng health declaration form o pag-scan ng StaySafe.ph QR code.
Layunin ng ordinansa na limitahan ang paglabas ng mga mamamayang hindi bakunado sa ilalim ng Alert Level 3 o mas mataas pang quarantine status maliban na lamang kung essential.
Sa ganitong paraan, maiiwasan na magkaroon ng COVID-19 ang mga hindi bakunado na malaki ang tyansang magkaroon ng severe COVID-19 na maaaring mauwi sa pagpapaospital.
Paalala sa lahat na laging dalhin ang vaccination card kung lalabas ng inyong mga tahanan o papasok sa mga pampubliko o pribadong establisimiyento sa lungsod. VICK TANES