MAHIGPIT NA POLISIYA MAKATUTULONG PARA MAIWASAN ANG PAGLALA NG PANDEMYA SA METRO MANILA

ANG NAKAKATAKOT na pagtaas ng bilang ng kaso ng COVID-19 sa ating bansa ang nag-udyok sa ating pamahalaan ng mag-iba ng polisiya laban sa kalayaan ng ating mga mamamayan na gumala sa labas.

Noong nakaraang linggo, umakyat nga ang bilang sa halos walong libong kaso ng COVID-19 sa ating bansa sa isang araw. Opo. Isang araw lang ‘yun!

Kaya naman pinaigting muli ang polisiya ng curfew sa Metro Manila mula alas-10 ng gabi hanggang alas-5 ng umaga. Dagdag pa rito ay ipinagbawal sa mga residente ng Metro Manila, kasama ang mga lalawigan ng Rizal, Bulacan, Laguna at Cavite o mas kilalang Mega Manila, ang pagtawid o paglakbay sa mga karatig-lalawigan ng Nueva Ecija, Pampanga, Quezon at Batangas, maliban lamang kapag ikaw ay kasama sa APOR o authorized persons outside residence.

Ipinagbawal ulit ang mga malalaking pagtitipon. Ganoon din ang kumain sa loob ng mga restaurant.

Hinihikayat din ang ating mga mamamayan na manatili lamang sa loob ng bahay upang makaiwas sa pagkahawa ng sakit. Naglabas din ng utos sa pagbabawas sa pagpasok sa opisina ng mga empleyado.

Naglabas na kasi ng ulat ang DOH na ang sinasabing bagong UK at South African variant ng COVID-19 na mas madali raw makahawa ay mabilis na kumakalat sa Mega Manila. Hindi na po biro ito.

May mga kilalang personalidad na ang napabalita na tinamaan ng COVID-19. Walang pinipili ang nasabing sakit. Mayaman ka pa o mahirap.

Ayon sa ating pamahalaan, ang dalawang linggong pagpapatupad ng mas mahigpit na general community quarantine (GCQ) sa Mega Manila ay maaaring makatulong sa pagbaba ng kaso ng COVID-19. Inaasahan nila na mga 25% ang matatapyas sa bilang ng kaso. Kahapon, mahigit sa walong libo ang bilang muli ng kaso ng COVID-19. Sana ay bumaba na ang bilang ng kaso sa susunod na dalawang linggo.

May mga kuwestiyon din ako sa ibang polisiya ng ating gobyerno sa pag-aasikaso laban sa COVID-19.

Subalit iniisip ko na lang na hindi lamang ang Filipinas ang nasa ganitong sitwasyon. Maraming mga bansa rin ang hirap na pababain ang kaso ng COVID-19. Ang mayayaman na bansa lamang ang may kapangyarihan na makakuha ng milyon-milyong bakuna laban sa COVID-19. Hindi kasama rito ang Filipinas. Kailangan lang talaga ay makipagtululungan tayo sa mga pagsisikap ng ating pamahalaan tungkol dito.

Marami ang nagsasabi na ang ibang opisyal ng ating gobyerno ay palpak sa pag-manage ng kampanya laban sa COVID-19 at inuuna lamang nila ang kanilang sariling interes at bulsa sa pagbili at pagkuha ng gamot at bakuna laban sa COVID-19.

Mahirap man isipin na kaya pa ng kanilang konsensiya na mangurakot sa kalagitnaan ng pandemya kung saan buhay, ekonomiya at hinaharap ng bansa ang pinag-uusapan. Malapit na ang Semana Santa. Kung totoo man ito, magnilay-nilay naman sila at unahin nila ang kapakanan ng taumbayan.

2 thoughts on “MAHIGPIT NA POLISIYA MAKATUTULONG PARA MAIWASAN ANG PAGLALA NG PANDEMYA SA METRO MANILA”

  1. 536429 516226This website is often a walk-through like the info you wanted in regards to this and didnt know who to question. Glimpse here, and you will surely discover it. 73282

Comments are closed.