BUNSOD na rin ng mga positibong development sa mga potensiyal na bakuna para labanan ang COVID-19, binigyang-diin ni Senador Christopher “Bong” Go ang pangangailangan ng mahusay na plano, komunikasyon at implementasyon ng national vaccination program upang magarantiyahan ang pagkakaroon ng pantay-pantay na access at sistematikong probisyon sa sandaling available na ang ligtas at epektibong bakuna para sa mga mamamayan.
Iginiit ni Sen.Go ang panawagan ni Pang. Rodrigo Duterte na gawing prayoridad ang mahihirap at mga taong vulnerable sa virus sa sandaling available na ang bakuna.
“Pantay-pantay dapat ang access at hindi lamang ang mga may kaya sa buhay ang makakakuha ng vaccine na ito. Siguruhin nating magkaroon ng access ang mga pinakanangangailangan, lalo na ang mga mahihirap at vulnerable sectors. Sila ang kailangan lumabas at magtrabaho upang buhayin ang pamilya nila.” anang Senador.
Bukod sa pagtiyak na mayroong sapat na pondo para sa pagbili ng bakuna, nanawagan din ang senador sa pamahalaan na magkaroon ng full implementation ng nationwide information at education campaign hinggil sa vaccination plan.
“Huwag nating pabayaan ang mga ordinaryong Pilipino. Bigyan din dapat ng tamang impormasyon ang publiko ukol dito para maiwasan ang pagkalat ng fake news,” aniya.
“Hindi lang naman ito usapin ng pagkakaroon ng bakuna. Kailangang paghandaan din ang storage, logistics and transportation ng mga bakunang ito. Mahalaga na nakakaabot ang mga ito mga dapat makatanggap — kasama na dyan ang mga frontliners at mga kababayan natin sa iba’t ibang parte ng bansa,” giit pa nito.
Bilang chairperson ng Senate Health and Demography Committee, hinikayat ni Go ang pamahalaan sa pamamagitan ng Department of Health (DOH) na planuhin agad ang sistematikong probisyon ng COVID-19 vaccine para sa posibilidad na maging limitado lamang ang suplay nito dahil may sapat naman aniyang panahon upang maisagawa ito.
“Lahat ng tao sa mundo, kailangan ang vaccine na ito kaya inaasahan natin na baka magkaroon ng limitadong supply nito. Kaya dapat maghanda at planuhin na ang procurement, storage, distribution, use and assessment ng mga vaccines na ito,” aniya pa. “’Yung buong proseso, ilatag na natin para mas mabilis tayong makabangon muli. Itong vaccine naman ang inaabangan nating paraan upang matigil ang pagkalat ng COVID-19 kung kaya’t ‘wag natin sayangin ang oportunidad na pagplanuhan ang maayos na implementasyon nito.” PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM
Comments are closed.