MAKIKINABANG lalo na ang mahihirap na Filipino sa ikinakasang registration simula ngayong araw ng Lunes para sa National Identification System.
Ito ang pahayag ni Philippine Statistics Authority (PSA) director Rosalinda Bautista. Ang nasabing ID ay magagamit para makapagbukas ng bank account ang mga mahihirap na Pinoy.
“Financial inclusion ngayong taon na ito, para doon sa mga mahihirap na kapwa Pilipino na hindi makapag-open ng bank account dahil wala silang pagkakilanlan na ipe-present, ito po ay para sa kanila,” ani Bautista.
Inihayag pa sa DWIZ ni Bautista na sisimulan nila ang proseso ng registration sa unang 5-milyong households sa 32 probinsya na tututukan ng kanilang supervisors at enumerators para kumuha ng personal details at bigyan ng schedule nang pagtungo sa mga munisipyo simula sa ika-25 ng Nobyembre.
“Pagpunta po doon sa bahay, tatanungin po sila ng demographic characteristics at bibigyan sila ng appointment para sa kanilang pagpunta sa registration center na nasa kanilang munisipyo starting November 25. So, may schedule po na ilalagay sa kanila. Bakit kailangang may schedule? Para makontrol natin ‘yung pagdagsa ng mga tao sa munisipyo para po ma-ensure ang health and safety protocol,” ani Bautista sa nasabing panayam.
Comments are closed.