MAHIHIRAP NA RESIDENTE SA CANDABA, PAMPANGA INAYUDAHAN

NAMAHAGI  ng tulong ang Tanggapan ni Senador Christopher “Bong” Go sa mga mahihirap na residente sa Candaba, Pampanga noong Martes, Marso 21.

Idinaos sa Boracandaba resort, namahagi ang koponan ni Go ng mga face mask at meryenda sa 33 residente.

Nagbigay rin sa piling benepisyaryo ng bisikleta, cellphone, sapatos, bola para sa basketball at volleyball, sando, at relo.

Ang mga tauhan mula sa Department of Social Welfare and Development ay hiwalay na nagbigay ng tulong pinansyal sa mga residente.

Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ng senador ang kahalagahan ng pagbibigay ng pangunahing serbisyong medikal sa mga komunidad na nangangailangan. Dahil dito, sinuportahan niya ang pagtatayo ng Super Health Centers sa buong bansa.

“Makatutulong po ito sa mga kababayan natin na malapit na po ang serbisyong medikal sa kanila. Ilalagay po ito sa mga strategic areas sa buong Pilipinas,” ani Go.

Ang Super Health Center ay isang pasilidad sa pangangalagang pangkalusugan na nag-aalok ng mga serbisyo kabilang ang pamamahala sa database, out-patient, panganganak, paghihiwalay, diagnostic (laboratory: x-ray at ultrasound), parmasya at ambulatory surgical unit.

Sinabi rin ng senador na maaaring gamitin ang Super Health Centers bilang satellite vaccination sites para sa mga nakatira sa malalayong lugar.

Sa pagsisikap ni Go at ng mga kapwa mambabatas, sapat na pondo ang inilaan sa ilalim ng Health Facilities Enhancement Program ng DOH para sa 307 Super Health Center noong 2022 at 322 SHC noong 2023. Tinutukoy ng DOH, ang nangungunang ahensiyang nagpapatupad, ang mga estratehikong lugar kung saan gagawin ng mga SHC.

Noong 2022 itinayo ang mga Super Health Center sa San Fernando City at sa mga bayan ng Lubao, Macabebe, Magalang, Porac at San Agustin. Ngayong 2023, mas maraming naturang sentro ang napondohan sa mga bayan ng Magalang, Minalin, Porac, at Sta. Rita, bukod sa Arayat.

Samantala, nag-alok naman ng karagdagang tulong si Go sa mga nangangailangan ng medikal na atensyon.

Hinikayat din niya ang mga ito na humingi ng serbisyo sa Malasakit Centers na matatagpuan sa Jose B. Lingad Memorial Regional Hospital at Overseas Filipino Workers Hospital and Diagnostic Center, kapwa sa San Fernando City; at sa Rafael Lazatin Memorial Medical Center sa Angeles City.

Ang Malasakit Center ay isang one-stop shop na pinapasimple ang pag-access sa mga programang tulong medikal na iniaalok ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno, katulad ng DSWD, Department of Health, Philippine Health Insurance Corporation, at Philippine Charity Sweepstakes Office.