MAHILIG KA BANG MAGKAPE?

KUNG  oo ay aba’y tara na sa Philippine Coffee Expo (PCE) mula ika-2 ng Hunyo (ngayong araw) hanggang ika-4 ng Hunyo sa World Trade Center sa Pasay City. Bumisita lamang sa website (www.philippinecoffeeexpo.com) para makabili ng ticket.

Kung ikaw ay mahilig sa kape, may negosyong nauugnay sa kape, o nais matuto ng iba’t-ibang aspetong may kinalaman sa industriya ng kape, huwag palampasin ang okasyong ito dahil narito ang pinakamalalaking organisasyon at establisyimento sa industriya ng kape sa bansa. Angkop din ang pagtitipong ito para sa mga coffee farmers, roasters, barista, at mga supplier.

Inaasahan na lagpas 6,000 bisita ang dadagsa sa tatlong araw na expo kung saan itatampok ang lagpas sa 70 booths.

May mga panauhin din mula sa iba’t-ibang dako ng Pilipinas at mula sa ibang bansa upang magbahagi ng impormasyon at kaalaman kaugnay ng industriya ng kape.

Ikalawang taon na ng paglulunsad ng Philippine Coffee Expo at para sa taong 2023 ay “Brewing the Future” ang napiling tema ng mga organizers. Ito ay tumutukoy sa paghahanda ng buong industriya sa mga oportunidad at pagsubok na hinaharap ng industriya sa Pilipinas.

Matatagpuan sa mga booth ang iba’t-ibang produkto at serbisyong may kinalaman sa kape. Magkakaroon din ng mga kompetisyon ng mga barista, at may nakalaang business-matching area kung saan maaaring mag-usap ang mga nagtitinda at kanilang mga kostumer. At siyempre, hindi mawawala ang food stalls at coffee carts kung saan maaaring makatikim ng masasarap na coffee blends at mga pagkaing mainam kasabay ng kape.

Matatagpuan ang Facebook page ng kaganapang ito sa facebook.com/PHCoffeeExpo