MAHILIG MAGLIWALIW? T(ips nang manatiling safe at healthy)

paglalakbay

ANG kagustuhan nating marating ang iba’t ibang lugar—sa loob man o labas ng bansa—ay hindi kailanman mapipigil. Guma­gawa ng paraan ang marami nang masilayan ang angking ganda ng bawat lugar. Matagal na pinaplano ng bawat magkakaibigan, magkakatrabaho at magkakapamilya ang gagawing paglalakbay. Pinaghahandaan din ito at higit sa lahat ay pinag-iipunan.

Ngunit may mga bagay na hindi natin ina­asahan na bigla-bigla na lamang kung dumating. Isa na nga riyan ay ang pagkakasakit lalo na kapag hindi nag-ingat at ang masalisihan ng mga masasamang loob sa panahon ng pagsasaya sa ibang lugar.

Malayo man o malapit ang ating pupuntahan,  hindi maiiwasang makatagpo tayo ng masasamang loob. Kung minsan din, dahil sa inumin at pagkaing nilantakan natin sa lugar na dinayo, biglang nagloloko ang ating tiyan.

Kaya naman, sa mga mahihilig magliwaliw diyan, narito ang ilang tips na dapat isaalang-alang nang mapanatiling healthy ang kabuuan at safe:

PANATILIHING MALINIS ANG KABUUAN

Isa sa maaaring maranasan ng kahit na sinong mahilig mag-travel ay ang pagkakaroon o ang mahawaan ng sakit. Ilan sa mga sakit na puwedeng dumapo ay ang ubo, sipon at lagnat. May iba rin namang mas malala kaya’t mahalaga ang ibayong pag-iingat.

Para maiwasan ang mahawaan ng iba’t ibang sakit, makatutulong ang pagtungo muna sa doktor bago ang gagawing pagta-travel. Alamin din ang estado ng bansa o lugar na pupuntahan.

Habang naglalakbay naman, siguraduhing malinis ang kabuuan. Magdala lagi ng wet wipes o alcohol nang may magamit na panlinis sa kamay at iba pang parte ng katawan.  Iwasan din ang paghawak sa kung saan-saan.

Magdala rin ng maliit na emergency kit nang mayroong magamit sa mga hindi inaasahang pangyayari. Siguraduhin ding may dalang sunscreen nang maprotektahan ang balat laban sa sikat ng araw. Huwag ding kaliligtaang dalhin ang insect repellent.

Makatutulong din ang pagbibitbit ng scarf, panyo at mask saan man magpunta.

HUWAG MAGPAPAHALATANG BAGO KA SA LUGAR

Hindi porke’t first time ka sa pinuntahang lugar ay ipahahalata mo na ito sa mga nakasasalamuha mo. Unang-una, hindi natin gaanong nakikilala ang ugali ng mga tao sa dinayo nating lugar kung kaya’t importanteng nag-iingat tayo. Huwag mas­yadong magpapakampante lalo na kung may nagpapakita ng kabaitan.

Hindi naman sa nag-iisip tayo ng masama. Ngunit mabuti na iyong nag-iingat tayo sa mga kilos at galaw natin lalo na kung nasa ibang lugar tayo nang hindi magsisi sa huli.

Kaya’t umakto tayo ng tama. Kumbaga, kahit na bago ka lang sa lugar o first time mong makara­ting doon, huwag ipahalata. Makatutulong din kung magre-research sa lugar na pupuntahan nang magkaroon ng kahit na kaunting kaalaman dito. Ilan sa mga dapat na alamin ay ang mga masarap na pagkaing puwedeng puntahan, magagandang lugar na swak dayuhin at ang mga lugar na puwedeng puntahan sakaling nagkaroon ng problema o emergency.

Huwag ding magsusuot ng mga mamahaling alahas at magagarbong damit nang hindi makatawag ng pansin sa masasamang loob.

HUWAG BASTA-BASTA MAKIKIPAG-USAP SA STRANGER

Hindi lamang sa mga bata sinasabi ang pagbabawal na makipag-usap sa stranger, kundi ma­ging sa ating mga sarili.

Isa rin naman sa goal natin ay ang magkaroon ng panibagong kakilala sa lugar na ating pupuntahan. At upang magkaroon ng panibagong kakilala, isa sa dapat na­ting gawin ay ang pakikipag-usap sa mga taong makasasalamuha natin.

Okay lang ang ma­kipag-usap lalo’t hindi naman talaga maiiwasan iyon. Pero huwag tayong padadala sa mga sinasabi ng ating kausap. Kilatisin din ang mga nakasasalamuha at huwag ipagkakatiwala o ikukuwento ang mga personal na impormasyon.

Huwag ding basta-basta tatanggap ng pagkain o inumin mula sa mga taong kakikilala pa lamang. Maging mapagmatiyag din sa paligid nang hindi manakawan o masalisihan ng masasamang loob.

Kapag nasa hotel naman, siguraduhing naka-lock ang pinto. Iwasan din ang pag-iimbita sa loob ng hotel room ng mga hindi naman kilala o kakikilala pa lamang.

Masarap nga naman ang maglakbay. Pero mas magiging masarap ito kung safe tayo at healthy. CT SARIGUMBA

Comments are closed.