MAHIRAP ANG BUMANGON SA UMAGA

BUMANGON SA UMAGA

(ni CT SARIGUMBA)

PUYAT man o hindi, marami sa atin ang hirap na hirap ang bumangon sa umaga. Wala nga namang ka­sing sarap ang humilata na lang sa kama. Kung puwede na nga lang na matulog sa buong maghapon, tiyak na gagawin ito ng marami sa atin.

Nakapapagod nga naman ang araw-araw na pagtatrabaho. Idagdag pa ang mga alalahaning ayaw na magpahinahon sa ating isipan. Minsan din, kahit na sobrang pagod tayo sa maghapong pagtatrabaho, hindi pa rin natin maiiwasan ang mahirapang matulog.

At bukod nga sa napakahirap matulog sa gabi, kaakibat din nito ang napakahirap buma­ngon sa umaga. Kadalasan, para nga naman magising tayo ng maaga, nag-a-alarm tayo gamit ang ating mga cellphone. Sa ngayon ay bibihira na lamang ang guma­gamit ng alarm clock na pampagising. Kadalasan na kasi ay cellphone o tablet ang ginagamit ng marami.

Napakahalaga ang pagtulog ng tama. Sa pamamagitan nga naman ng pagtulog ng maayos o mahimbing ay naipapahinga natin ang katawan. Kaya naman, upang makatulog nang mahimbing at maiwasan ang hirap sa pagbangon sa umaga, narito ang ilang simpleng paraan na maaaring subukan:

GO OFFLINE

Unang-una sa dapat nating gawin ay ang pag-alam sa mga dahilan kung bakit hindi tayo nakatutulog o mas pinipili nating magpuyat. Sa panahon ngayon, isa sa nangungunang dahilan kung kaya’t hindi makatulog ang ma­rami ay sapagkat nawiwili sa social media, online games at movies o drama.

Kapag nga naman kasi nagsimula na tayong magkakalikot sa ating cellphone o gadget, kay hirap-hirap nang pigilin ang sarili o awatin. Minsan din, sa sobrang kawilihan natin ay ‘di na natin napapansin ang oras. Nabubulaga na lang tayo kapag napansin nating nagsisimula nang magliwanag ang paligid.

Isa sa dapat nating tigilan o bawasan man lang ang pagkahilig sa paggamit ng gadget o cellphone lalo na bago matulog.  Oo, maganda ang manood ng mga drama sa online, mag-check ng social media o ang maglaro sa online. Pero hindi ito makatutulong upang makatulog tayo ng maayos.

Sa mga pag-aaral, lumalabas na ang ilaw mula sa gadget o cellphone ay nagbibigay ng signal sa ating utak na huwag matulog.

Marami rin sa atin na ginagawang pampatulog umano ang paggamit ng gadget. Pero sa totoo lang, hindi nakatutulong ang paggamit ng gadget sa gabi o habang nakahiga upang matulungan tayong makatulog. Mas lalo lang itong nagiging dahilan ng hirap sa pagtulog.

Kaya para hindi mahirapang gumising, iwasan ang gadget o mag-offline na muna sa social media at iba pang mga activity na may koneksiyon sa gadget. Makatutulong din kung iiwasan ang panonood ng telebisyon.

SUBUKANG MAGBASA

Marami nga namang benepisyo ang pagbabasa. At isa rin sa dulot ng pagbabasa ay nare-relax nito, hindi lamang ang katawan kundi maging ang ating isipan. Kaya naman, magandang kahiligan ang pagbabasa para makatulog ng mahimbing.

Siyempre, kung mahimbing ang tulog ay magkakaroon tayo ng lakas na bumangon sa umaga at harapin ang panibagong hamon ng buhay.

Hindi rin naman kailangang isang buong libro ang babasahin para lang makadama ng antok. Kahit na ilang pahina lang ay swak na upang higitin tayo ng antok.

PATAYIN ANG ILAW AT IKALMA ANG SARILI

Makatutulong din kung papatayin natin ang ilaw para makatulog tayo kaagad. Kumbaga, kapag madilim ang isang lugar ay nare-relax o kumakalma ang ating kabuuan at inaanyaya rin tayo nitong magpahinga.

Kung hirap pa ring matulog, mainam ang pakikinig ng mga classic na music habang maayos o kampanteng nakahiga sa kama.

Siguraduhin ding maayos ang kuwarto at kama nang makapagpahingang mabuti.

Oo, napakahirap naman talagang gumising sa umaga. Pero may mga paraan para hindi tayo mahirapang bumangon. (photo credits: Google)

One thought on “MAHIRAP ANG BUMANGON SA UMAGA”

Comments are closed.