MAHIRAP NA PINOY NABAWASAN (17.54M noong 2023)

BUMABA ang bilang ng mga mahirap na Pinoy noong 2023 kumpara sa naunang dalawang taon, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).

Sa preliminary results ng Family Income and Expenditure Survey (FIES) ng PSA ay lumitaw na may 17.54 milyong mahirap na Pinoy noong 2023, na katumbas ng poverty incidence na 15.5%.

Mas mababa ito sa 19.99 milyong mahirap na Pinoy noong 2021 nang ang poverty incidence ay nasa 18.1%, at sa 17.67 million noong 2018, nang ang poverty incidence rate ay 16.7%.

Ayon sa PSA, ang pagbaba ay dahil sa pagtaas sa mean per capita income, na lumago ng 17.9% sa P85,290, mas mabilis sa pagtaas sa poverty threshold, na umakyat ng 15.3% sa P33,296.

Ang pinakamalaking pagtaas sa mean per capita income ay naitala sa first decile class, na umakyat ng 25.3% sa P24,954. Sinundan ito ng  second decile class,  na tumaas ng 22.9% sa P36,716, at ng third decile class, na umakyat ng 22.2% sa P45,596.

Pagdating sa pamilya, may 3 milyong mahirap na pamilya noong  2023, na katumbas ng poverty incidence rate na 10.9%. Kumpara ito sa 3.50 pamilya noong  2021 na may poverty incidence rate na 13.2%, at sa 17.67 pamilya noong  2018 na may poverty incidence rate na 16.7%.

“The observed decline in poverty incidence from 2021 can be explained by the changes in the poverty threshold and income data from 2021 to 2023,” pahayag ng PSA.

Ang FIES ay isinagawa noong July 2023 base sa kinolektang income data mula January hanggang June 2023, at noong January 2024 base sa kinolektang income data mula July hanggang December 2023.

Ayon sa National Economic and Development Authority (NEDA), ang latest figures ay hindi lamang nagpapakita ng  improvement, kundi nahigitan din ang 16.0% hanggang 16.4% target ng pamahalaan para sa 2023 tulad ng itinampok sa  Philippine Development Plan 2023-2028.

“These encouraging figures underscore our unwavering commitment to implement effective policies and initiatives that uplift the lives of our countrymen,” sabi ni NEDA Secretary Arsenio Balisacan.

“As we welcome news of our progress, we remain steadfast in our efforts to ensure that our economic gains are truly felt by all Filipinos, rich and poor alike,” dagdag pa niya.