MAHIRAP TIBAGIN ANG PAMAHALAANG POPULAR SA PUBLIKO

Joes_take

PUSPUSAN ang ginagawang pag-apula ng bansa sa pagpasok ng nakamamatay na coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa pamamagitan ng paglalagay sa ilalim ng mandatory quarantine sa mga kababayan natin na umuwi galing sa Wuhan, China, pati na rin ang mga Pinoy crew ng luxury cruise ship Princess Diamond na nasa Japan, nang bigla namang pumutok ang isang balita noong nakaraang linggo tungkol sa binansagang pastillas o maanomalyang lagayan sa loob ng Bureau of Immigration (BI).

Isang opisyal ng kagawaran ng imi­grasyon ang humarap sa Senado para isiwalat ang diumano’y lagayan na nagaganap para makapasok at mabigyan ng espeyal na atensiyon ang mga banyagang galing sa bansang Tsina.

Marahil mapapansinin ninyo sa mga mataong lansangan sa Ortigas, Makati, Manila, Pasay at Pa­rañaque tuwing katanghalian ay mara­ming Tsino na naglalakad din para maghanap ng makakainan. Halos lahat ng mga ito ay nagtatrabaho sa lumalagong industriya ng  POGOs (Philippine Offshore Gaming Ope­rators), isang pasugalan na gumagamit ng internet.

Sa totoo lang, hindi ko alintana ang mga Tsino sa ating mga kalye. Ang mas binibigyan ko ng pansin ay kung narito ba sila sa bansa na legal at empleyado ng mga POGO  na may mga tamang lisensiya. Kung nakapasok sila sa bansa nang walang tamang permiso sa tulong ng mga tiwaling opisyal ng imigrasyon, ayon sa akusasyon ng kawani ng BI ay ibang istorya na iyan.

Masasabing napakatapang ng whistleblower at opisyal ng imigrasyon na si Allison Chiong dahil inilagay niya ang buhay niya sa alanganin.

Pero ang pinagtatakhan ng ilang tagamasid ay kung bakit kaya pinili ni Chiong na humingi ng tulong sa labas ng kanilang kagawaran o sa Senado, kaysa lumapit sa  pinuno ng BI para sana’y nakahanap ng mas mabilis at tamang solusyon sa katiwalian sa loob ng kanilang bureau.

Kadalasan kasi sa mga empleyado ng isang organisasyon ay ipi­nagbibigay-alam mu­na sa kanilang mga nakatataas bago pa man kumilos at humanap ng ibang hakbang.

May posibilidad na magkaroon din ng imbestigasyon sa ­Kongreso ukol dito at malamang ay isalang din si Chiong at tanungin.

Ayon sa mga tagamasid, walang sapat na ebidensiya para madawit ang kasalukuyang  BI commissioner na si Jaime Morente rito sa  pastillas issue. Batay na rin sa mga ulat, malaki ang tiwala ng Pangulo kay Morente at hindi siya naniniwala na sangkot ito sa napabalitang umano’y maanomalyang laga­yan sa loob ng bureau.

Ani Morente, malaking hamon para sa kanila ang rebelasyon ni Chiong para linisin ang kanilang hanay sa mga tiwaling kawani, na naaayon sa programa ng Pangulo laban sa korupsiyon  sa gobyerno.

Ang katotohanan ay limitado lang ang awtoridad ni Morente na magtalaga ng mga puno ng bawat dibisyon sa bureau. Ang Kalihim ng Hustisya ang siyang may awtoridad batay sa batas na magtalaga ng mga pinuno sa loob ng bureau.

Ayon kay Morente, may ginagawa na silang hakbang para repasuhin ang kasalukuyang batas sa imigrasyon para itama ang sistema, na magreresulta ng tamang pagtatalaga ng mga pinuno ng bureau.

Pagkatapos ilabas ni Chiong ang akusasyon niya sa publiko, agad nagbigay ng kautusan ang Pangulo sa BI na tanggalin agad ang lahat ng sangkot sa lagayan. Agad namang sinibak ng BI ang 18 opisyal na nakita sa video ni Chiong na nagpapasok ng mga mula Tsina sa bansa nang ilegal.

Sana lang ay walang bahid o ‘di magamit sa politika ang issue na ito lalo na kung ang layunin ay siraan ang pamahalaan. Mahirap tibagin ang isang administrasyon na popular sa publiko at nakikita ang layon na labanan ang korupsiyon.

Comments are closed.