MAHMOOD TIGER NA

PATULOY ang University of Santo Tomas sa pagpapalakas sa pagkuha kay Gilas Youth big man Zain Mahmood sa off-season.

Winelcome ni coach Pido Jarencio  ang Fil-Canadian slotman sa España kung saan nakahuli sila ng malaking isda bago ang UAAP men’s basketball wars ngayong taon.

“Hindi lang malaki si Mahmood, skilled din siya kaya napakalaking addition niya para sa program natin,” sabi ni Jarencio.

Kasama sina Institute of Physical Education and Athletics (IPEA) director Fr. Rodel Cansancio, OP, at team manager Eric Ang, nakaharap ni Jarencio ang kanilang bagong recruit kamakalawa.

“Alam naman natin na ‘yung malalaki ang kulang sa atin last season, so maganda ang nakikita nating future para sa batang ito,” ani Jarencio.

Si Mahmood, isang 6-foot-7 big man mula sa Maranatha High School sa California na nagpakitang-gilas para sa national youth team sa 2022 Fiba Asia U-18 Championship sa Qatar, ay may  average na 11.3 points at 5.8 rebounds sa 24 minutong aksiyon.

Ang 19-year-old center ay  nagpasiklab din para sa Fil-Nation Select sa NBTC National Finals noong nakaraang taon.

Magbibigay rin ng dagdag na lakas sa UST si unheralded big man Brix Verzosa.

Personal na ni-recruit ni coach Manu Iñigo noong pandemya, si Verzosa ay isang 6-foot-1 center na may average na  3.1 points at 4.6  rebounds para sa Tiger Cubs sa katatapos na high school boys  basketball tournament. “Ito ang mga kailangan ng programa natin dahil alam niyo naman gaano tayo kahirap sa loob last season. Umaasa tayong made-develop pa natin itong mga malalaking batang ito,” sabi ni Jarencio. Sinamahan ng dalawang young studs ang frontline ng  Growling Tigers na kinabibilangan nina  Christian Manaytay,  Mig Pangilinan, Echo Laure, at Gelo Crisostomo.