MAHUHUSAY NA BULAKENYONG MANANAYAW HANDA NA SA TAGISAN NG TALENTO SA SINGKABAN FESTIVAL

SINGKABAN

LUNGSOD NG MALOLOS – Magsasama-sama ang mga pinakamahuhusay na pangkat mananayaw sa kalye sa Setyembre 14, 2018 upang ipamalas ang kanilang natatanging talento sa pagsayaw habang suot ang makukulay na damit at palamuti sa idaraos na “Indakan sa Kalye”, isa sa mga tampok na aktibidad sa Singkaban Festival 2018.

Ayon sa Provincial History, Arts, Culture and Tourism Office (PHACTO), nag-organisa ng nasabing gawain, itatampok sa Indakan sa Kalye ang mga lokal na kapistahan, kasaysayan, sining at kultura at mga kaugalian at tradisyon na maglalarawan sa kulturang Filipino.

Ito ay bukas sa lahat ng mga bayan at lungsod sa lalawigan, na kakatawanin ng mga street dancer mula sa kanilang komunidad, paaralan, at kolehiyo o unibersidad na opisyal na maglalarawan sa kanilang lokal na kapistahan. Labindalawang pangkat lamang ang maaaring lumahok at ito ay ipatutupad sa pamamagitan ng first-come-first-served basis.

Magsisimula ang street dancing sa Simbahan ng Barasoain sa ganap na ika-1:00 ng hapon na tutuloy sa Bulacan Capitol Gymnasium sa ganap na ika-3:00 ng hapon para sa showdown.

Sinabi ni Gobernador Wilhelmino Sy-Alvarado na ang nasabing taunang patimpalak sa pagsayaw ay hindi lamang isinasagawa upang itanghal ang mayamang kultura at tradisyon ng Bulacan bagkus ay upang makaakit din ng mga lokal at dayuhang turista na makiisa at lasapin ang selebrasyon ng taunang kapistahan.

Samantala, ayon kay Dr. Eliseo Dela Cruz, pinuno ng PHACTO, mag-uuwi ang tatangha­ling kampeon ng tropeo at P100,000 habang makatatanggap ang una at ikalawang karangalang banggit ng tropeo at P70,000 at P40,000 perang insentibo ayon sa pagkakasunod-sunod.

Gayundin, ang pagkakalooban ng special awards tulad ng Best in Costume at Best in Street Dance ay makatatanggap ng P5,000 at tropeo bawat isa at tatlong grupo naman ang mabibigyan ng P10,000 bawat isa at tropeo bilang consolation prize.  A. BORLONGAN