KILALANG-KILALA ang Japan bilang isa sa mga bansang may episyenteng sistema ng transportasyon, lalo na kung railway system ang pag-uusapan.
Ilang araw pa lamang ako rito kasama ang aking pamilya pero masasabi kong talagang karamihan sa mga nandito ay gumagamit ng pampublikong transportasyon sa halip magmaneho ng sariling sasakyan. Kahit para sa turistang katulad ko, madali lang magplano ng ruta at laging nasa tamang oras ang mga tren at mga bus dito.
Ayon sa datos ng Statista noong 2019, umabot sa higit 31 bilyong komyuter ang gumamit ng pampublikong transportasyon mula 2010 hanggang 2019 dito sa Japan, at nasa 25 bilyon sa kanila ang gumagamit ng tren. Hindi naman kataka-taka na ang tren ang pangunahing paraan ng transportasyon dahil sa mas mabilis na biyahe at mahusay na pagkakadugtong-dugtong ng mga pangunahing lungsod dito sa Japan.
Bukod sa tren, madalas ding ginagamit ng mga turistang komyuter ang mga bus sa paglilibot sa mga lungsod na madalas dayuhin ng mga turista gaya ng Tokyo, Kyoto, Osaka, Nagoya, at iba pang itinuturing na tourist destination. Sa katunayan, may mga espesyal na city bus na ang ruta ay humihinto sa mga lugar na karaniwang pinupuntahan ng mga turista. Gaya ng tren, mahigpit din ang pagsunod sa oras ng mga bus sa bansa.
Para naman sa mga lugar na madalas puntahan ng mga turista subalit malayo sa mga istasyon ng tren at hindi nadadaanan ng ruta ng mga bus, mayroon din namang mga taxi. Karaniwang matatagpuan ang mga ito sa labas ng istasyon ng mga tren kaya hindi mahirap makahanap ng masasakyan. Marami ring mga taxi ang nakaabang sa labas ng mga sikat na pasyalan ng mga mga turista kaya talagang hindi na matatagalan pang makalipat sa susunod na nais puntahan.
Bukod sa husay ng sistema ng transportasyon, kahanga-hanga rin ang magagandang imprastraktura rito. Isang magandang halimbawa ang Tokyo na mayroong istasyon kada 300 hanggang 400 metro kaya talagang mahihikayat ang mga taong gumamit ng pampublikong transportasyon. Maging ang iba pang pangunahing lungsod sa bansa ay namumuhunan na rin sa imprastraktura upang gawing mas madali at mas maginhawa ang pagbiyahe ng mga komyuter.
Maaasahan din ang transportasyon sa Japan dahil sa disiplinang pinaiiral nito gaya ng pagdating sa itinakdang oras. Sa katunayan, kapag ito ay nahuhuli ng kahit ilang minuto lamang, humihingi ng paumanhin ang operator at namimigay ng dokumento sa mga pasahero na maaaring gamitin bilang paliwanag na ang dahilan ng pagkahuli sa pagdating sa trabaho ay ang operasyon ng tren.
Sa ganitong sistema kung saan madali at maginhawa para sa mga mamamayan ang paggamit ng pampublikong transportasyon, ang pagkakaroon ng pribadong sasakyan ay hindi na talagang kailangan.
Batay sa datos na inilabas ng Nippon.com, sa isang survey sa mga residente na inilabas noong 2019 at inumpisahan noong 2010 at ginagawa tuwing tatlong taon, lumalabas na isa sa apat na pamilya o halos 26% ang walang sariling sasakyan. Batay sa unang resulta nito noong 2010, nasa 18.1 % ang pamilyang walang sasakyan at nagpatuloy ang pagtaas ng pigura nito hanggang nitong 2019.
Sa kabila ng pagiging tahanan ng mga malalaking kompanyang gumagawa ng mga sasakyang sikat na sikat sa Pilipinas gaya ng Toyota, Honda, Nissan, Suzuki, Mazda, Mitsubishi, Isuzu, Subaru, Yamaha, at iba pa, hindi nakapagtatakang mas pinipili pa rin ng mga residente na gumamit ng pampublikong transportasyon.
Kung ikukumpara ang sistema ng transportasyon sa Pilipinas at dito sa Japan, talagang napakalaki pa ng dapat habulin ng bansa upang makahabol sa husay ng Japan. Hindi naman ako nawawalan ng pag-asa lalo na’t ang nakaraang administrasyon at ang kasalukuyang administrasyon sa ilalim ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., ay nakatutok sa pagpapaigting ng imprastraktura sa bansa. Sa madaling salita, nasa tamang direksyon ang Pilipinas.
Kaabang-abang ang pagtatapos ng mga proyekto sa Pilipinas gaya ng mga subway at karagdagang linya ng tren dahil tiyak na makatutulong ito na maibsan ang mabigat na daloy ng trapiko sa bansa. Malaking bagay din ito sa pag-unlad ng ating ekonomiya dahil lalong papalo ang turismo dahil magiging kaaya-aya para sa mga turista ang pagdayo at paglilibot sa Pilipinas. Makatutulong din ito sa pagpapababa ng presyo ng mga produkto at bilihin dahil sa mas episyenteng transportasyon na magpapalago sa lokal na kalakalan. Higit sa lahat, mahihikayat ding mamuhunan ang mga investor sa bansa.