DAHIL isa ang industriya ng turismo sa mga matinding hinagupit at patuloy na hinahagupit ng pandemyang dulot ng COVID-19, malaki ang maitutulong ng tuloy-tuloy na balikatan ng gobyerno at ng mga pribadong sektor upang maibangon ito at muling mapalakas.
Ito ang ipinahayag ni Senador Sonny Angara sa panayam ng Ateneo School of Government public-private collaboration forum kamakailan.
Ayon kay Angara, isa ang turismo sa nangangailangan ng mas pinalawak na suporta ng pribado at pampublikong sektor dahil sa malaking tulong nito sa pagpapasigla ng ekonomiya.
“Maraming ari-arian ang gobyerno, pero aminin man natin o hindi, hindi nabibigyan ng kaukulang atensiyon ang pagpapalakas sa mga ito. Kabilang dito ang Banaue Hotel, ang Youth Hostel at marami pang isla sa Visayas na pawang pag-aari at pinatatakbo ng gobyerno sa ilalim ng Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority. Iyan ang mga tourist destination na maaaring matulungan ng mga pribadong sektor na eksperto sa assets development,” anang senador.
Binigyang-diin ni Angara na malaking industriya ang turismo at isa ito sa maaaring pagtulungan ng pribado at pampublikong sektor na linangin upang makatulong sa muling pagbabangon sa ekonomiya ng bansa at makalikha ng iba’t ibang trabaho para sa mamamayan.
Sa kasalukuyan, bagaman hindi prayoridad ng gobyerno ang turismo, dapat pa rin aniyang resolbahin ang krisis na kinasasadlakan nito ngayon upang maihanda ang galaw nito sakaling maging mas panatag na ang sitwasyong pangkalusugan ng bansa at ang kaligtasan ng mga lokal at dayuhang turista. VICKY CERVALES
Comments are closed.