INAPRUBAHAN na ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang pagpapaikli sa quarantine days ng fully vaccinated health workers.
Sa pahayag ni Acting Presidential Spokesman at Cabinet Secretary Karlo Nograles, gagawing limang araw ang policy shift o quarantine at isolation ng fully vaccinated healthcare workers kasama ang mga pasyenteng may COVID-19 maging sa kanilang close contacts.
Bukod pa rito ay pinayagan na rin ang home isolation ng COVID-19 patients na asymptomatic o mild symptoms at moderate symptoms.
Patuloy na nadaragdagan ang bilang ng healthcare workers na tinatamaan ng COVID-19.
Ayon sa Department of Health (DOH), may mga ulat mula sa mga ospital at laboratoryo ng pagtaas ng bilang ng healthcare workers na nagka-Covid-19 kabilang na rito ang Philippine General Hospital (PGH) na may 310 kaso.
Dahil dito, nagkasa na ng swabbing testing sa mga ospital at laboratoryo upang masiguro ang patuloy na operasyon at maprotektahan din ang healthcare workers na isa sa mga tumutulong upang labanan ang COVID-19.
SENATOR NABAHALA
Nababahala ang isang senador sa desisyong iklian ang isolation period ng mga health worker na nagpopositibo sa Covid 19
Dahil dito, umapela si Senador Joel Villanueva sa Department of Health (DOH) na irekonsidera ang desisyon na iklian ang quarantine period ng mga health worker na tinamaan ng virus.
Ito ang kapasiyahan ng DOH para matugunan ang kakulangan sa manpower ng mga ospital o mga healthcare facilities.
Pero giit ni Villanueva, malalagay sa peligro ang mga healthcare worker at maging ang pasyenteng kanilang aasikasuhin kapag pinaikli na lang ang kanilang isolation o quarantine period.
Diin pa ni Villanueva, maaari ring malagay sa alanganin ang inuuwiang pamilya ng mga healthcare workers sa naturang plano ng DOH.
Ikinatwiran ni Villanueva na sa halos dalawang taon nating pakikipaglaban sa COVID-19 pandemic, ating nakita na walang shortcut na daan patungo sa recovery.
Samantala, wala naman nakikitang problema si Sen. Panfilo Lacson sa pagpapaikli ng isolation period sa mga health worker.
“As long as the shortened isolation period is science-based and not a reaction to the overwhleming infection rate,we should not have a problem with that,” ani Lacson. LIZA SORIANO