KULUNGAN ang binagsakan ng 35-anyos na mailman na naaktuhang de-deliver ng 3 pakete ng cocaine sa tatlong lugar sa Brooklyn kamakailan.
Ayon sa Brooklyn Federal Court, nahaharap sa kasong drug distribution ang akusadong si Zarwardy Lewis makaraang mapatunayang ng US Postal Service Office of Inspector General na nag-deliver ng 3 pakete ng cocaine sa mga address sa nasabing lugar nitong nakalipas sa Disyembre 2022.
Ayon sa nailathala ng New York Post, nagsagawa ng malalimang imbestigasyon ang ilang opisyal sa pangunguna ni Special Agent Kyle Knieste sa mga pakete mula sa Caribbean na dadalhin ng akusado sa Bedford-Stuyvesant kung saan nadiskubre na ang nilalaman ay 2 kilong cocaine na may street value na $60,000.
Napatunayan din sa inihaing ebidensiya sa korte na isa sa 3 parcel mula sa nasabing sender ay pinadala sa nasabing lugar kung saan kada parcel ng cocaine ay binabayaran si Lewis ng $500 sa pamamagitan ng electronic payments mula sa isang nagngangalang Evangeline Nery.
Dito na nagsimulang isailalim sa surveillance ang ginagamit na truck ni Lewis kung saan isa na namang parcel ng cocaine ang ibinagsak sa Atlantic Terminal mall sa Fort Greene nitong Enero 26, 2023.
Gayundin, masusing mino-monitor ang 45-anyos na si Nery ng mga awtoridad kung saan ibinigay nito ang empty plastic bag kay Lewis bago pumasok ng mall at nang lumabas ito sa shopping center ay kinuha nito ang bag na naglalaman ng cocaine na mula sa truck na ginagamit ni Lewis.
Dito na inaresto si Nery kung saan nadiskubre ang kilong cocaine sa bag kaya sinuri ng federal agent ang cellphone nito na may messages with photos, postal receipts at parcel na tulad ng hawak ni Lewis.
Ayon pa sa court record, si Lewis na nagsimula sa post office bilang mailman noong 2013 kung saan pansamantalang nakalaya matapos nagpiyansa ng $100K habang si Nery ay pinalaya rin matapos mag-bond ng $50K. MHAR BASCO