SA ngalan ng transparency, mayorya ng Pinoy ay aprub ang pagpapahayag at pagpapakita ng awrtoridad sa kanilang ginagawa kapag may hinahanap na kriminal.
Subalit sa ikatatagumpay ng operasyon, hindi lahat ay dapat ibalandra sa publiko.
Ito ay batay sa opinyon ni dating Senator Panfilo Lacson sa naging operasyon ng Philippine National Police (PNP) para masukol si Kingdom of Jesus Christ (KOJC) Leader Apollo Quiboloy nitong Agosto 24 hanggang sa September 8.
Ayon sa senador na naging hepe rin ng PNP, bagaman pinupuri niya ang pagkakasukol kay Quiboloy at sa apat pa nitong followers, hindi siya sang-ayon sa naging paraan.
Ang tinukoy ni Lacson, ay ang pagsasapubliko ng mga naatasang pulis, o mga tauhan ng Police Region Office 11 sa mga aktibidad at taktika na kanilang ginawa.
Halimbawa rito ay ang pagbubulgar sa paggamit nila ng equipment para matukoy kung mayroong heart beat o sign of life ang hinahanap na suspek.
Aniya, for security reason, hindi dapat isinapubliko ang mga blow-by-blow activities habang hinahanap ang suspek dahil nakompromiso nito ang mga susunod na operasyon ng pulisya.
Sa mga operasyon ng pulisya, may taktika na hindi dapat alam ng publiko.
Kung alam ng kriminal na mayroong kagamitan ang pulis at iba pang law enforcer, gagawa rin ng paraan ang mga kalaban kung papaano ito lalabanan.