(Maingay na motor bawal na) NAKUMPISKANG MUFFLER GAGAWING XMAS DECOR

RIZAL- MAHIGPIT na ipinagbabawal ng Angono LGU alinsunod sa Municipal Ordinance ang paggamit ng mga accessories sa matorsiklo na nagdudulot ng ingay sa bayan ng Angono sa lalawigang ito.

Sinimulan ng Public Safety Office (PSO) ng Angono ang kanilang holiday countdown sa pamamagitan ng paggawa ng mga Christmas decor na gawa sa mga nakumpiskang bukas na muffler.

Ayon kay PSO chief Bryan Villamarin Cruz, ang ideya ay talagang idinisenyo upang itaas ang kamalayan sa multi-facet environmental policy ng lokal na pamahalaan na nagsisimula sa solid waste management at pollution control, at iba pa.

“Talagang naabot natin ang dalawang aspeto sa hamak na konseptong ito – pagbabawas ng ingay at pagsunod sa ating ordinansa. Ang paggamit ng mga nahuli na bukas na muffler bilang bahagi ng ating mga palamuti sa Pasko ay isang bonus lamang,” ayon kay Angono Mayor Jeri Mae Calderon.

“Pinupuri namin ang PSO sa epekto na nabuo mula sa maliit na pagsisikap na ito. Kaya sa mga open muffler diyan, sige pahuli pa kayo para mas marami pang magawa. Ang kukulit niyo eh,” dagdag ni Calderon.

Kaugnay nito, nanawagan din si Calderon sa publiko na makibahagi sa taunang kompetisyon sa paggawa ng parol ng LGU gamit ang mga recyclable na materyales. ELMA MORALES