MAINGAY NA TAMBUTSO BAWAL SA PASAY

TAMBUTSO

KALABOSO ang kahahantungan ng mga dri­ver ng mga sasakyang maingay ang tambutso sa Pasay City.

Ito ang babala ng pamahalaan ng Lungsod ng Pasay makaraang ipa­tupad ang mahigpit na implementasyon laban sa paggamit ng maiingay na tambutso ng anumang uri ng sasakyan na dadaan saan mang lugar sa siyudad.

Ayon kay Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano, kanyang pinaalalahanan ang mga motorista tungkol sa pagbabawal ng paggamit ng mga maiingay na tambutso ng motorsiklo, tricycle o anumang pampribadong sasakyan sa siyudad.

Ayon kay Calixto-Rubiano, ang naturang pagbawal sa paggamit ng mga maiingay na tambutso ay naaayon sa Pasay City Ordinance 6009 o mas kilala bilang “Anti-Modified Tail Pipe Ordinance of Pasay City” na isinabatas noong Hunyo 2019.

Sa ilalim ng Pasay City Ordinance 6009, ang mga sasakyan na tulad ng mga pribadong motorsiklo at pampublikong tricycle ay nararapat na may silencer ang mga tambutso ng kanilang mga sasakyan upang mabawasan ang ingay ng makina ng mga ito.

Napag-alaman na maraming may-ari ng saksakyan ang tinatanggal ang silencer ng kanilang orihinal na tambutso at pinapalitan ito ng maiingay na tambutso.

Nakasaad sa natu­rang ordinansa na ang malakas na ingay ay delikado sa tao na maaring magdulot ng matinding pinsala na nakaaapekto sa pangkalusugan, pag-iisip at ekonomiya.

Base pa sa naturang ordinansa, ang hindi kaya-ayang ingay ng ibinubuga ng tambutso ay nagiging hadlang sa normal na aktibidad ng tao katulad ng pagtulog at pag-uusap.

Ang mga mahuhuling lalabag sa naturang ordinansa ay magbabayad ng multa na nagkakaha­laga ng P2,000 hanggang P4,000 kasabay ng pagka-kansela ng kanilang mga lisensya gayundin ang kanselasyon naman ng prangkisa ng kanilang mga tricycle. MARIVIC FERNANDEZ